Sa panahon ngayon, masakit mang aminin, marami pa rin sa ating mga kababayan ang madaling mabudol, malinlang, o mapaniwala agad sa matatamis na salita. Hindi lamang ito nangyayari sa simplengtransaksyon araw-araw, kundi maging sa pakikipagkapwa, sa social media, at higit sa lahat, sa mundo ng pulitika. Marami ang napapaniwala sa magagandang pangako, magaling na pananalita, at makukulay na presentasyon. Ngunit kapag lumipas na ang ingay at hype, saka pa lamang natin napagtatanto na muli tayong naloko.
Bakit nga ba paulit-ulit itong nangyayari? Bakit marami pa rin ang madaling mabiktima ng panlilinlang?
Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang tinatawag na justification. Ito ang paraan ng tao para ipagtanggol sa sarili ang isang desisyon kahit may malinaw nang palatandaan na ito ay mali. Sa madaling salita, gumagawa tayo ng dahilan upang kumbinsihin ang sarili na tama ang ating pinili, kahit sa kaibuturan ay may pagdududa na tayo. Halimbawa, may isang tao, lider, o kandidato na punong-puno ng red flags, ngunit dahil mahusay magsalita, palabiro, relatable, o kilalang pangalan, iniisip ng ilan: “Baka naman magbago pa.” O kaya, “Mas mabuti na siya kaysa sa iba.” Minsan, hindi dahil tama ang pinili natin, Kundi dahil ayaw nating amining nagkamali tayo.
Ang justification ay mapanganig dahil tinatakpan nito ang katotohanan. Sa halip na gumamit ng critical thinking, mas pinapairal natin ang emosyon, loyalty, pride, at personal bias. Kapag may pinapanigan tayo, madalas ay ipinaglalaban natin ito kahit kapos sa ebidensya. Kahit may malinaw nang kasinungalingan, kapabayaan, o panlilinlang, naghahanap pa rin tayo ng paraan para ma-excuse ito. At dito nagsisimula ang pagiging madaling mabudol.
Ngunit sa kasalukuyang panahon, may isa pang malaking dahilan kung bakit mas mabilis kumalat ang panlilinlang: ang pagdami ng mga fake pages sa social media. Marami pa rin ang naloloko ng mga pahinang nagpapanggap na lehitimong news source, public figure account, o advocacy platform. Dahil sa edited graphics, professional-looking layout, at mga linyang mukhang kapani-paniwala, maraming netizens ang agad naniniwala at nagsha-share nang hindi muna nagve-verify. Ang mas nakakalungkot, karamihan a mga fake pages na ito ay halos walang accountability. Kapag nakapanloko na, maaari silang magpalit ng pangalan, mag-delete ng posts, o tuluyang mawala, habang ang maling impormasyon ay patuloy nang umiikot sa isip ng publiko.
Ito ang mas delikado: hindi lamang tayo niloloko, kundi nasasanay na rin tayong maniwala sa kung ano ang madaling makita at madaling i-share. Sa bilis ng information flow ngayon, maraming tao ang mas nauuna ang reaction kaysa verification. Kapag may nabasang catchy headline, emotional post, o viral content, pinaniniwalaan agad ito na parang totoo dahil lamang marami ang nag-react. Ngunit hindi porket viral ay factual. Hindi porket maraming shares ay credible. At hindi porket mukhang propesyonal ang page ay lehitimo na.
Sa pulitika, mas malaki ang epekto nito. Ang fake pages ay nagiging kasangkapan sa pagpapakalat ng propaganda, paninira, at maling imahe ng mga kandidato o isyu. Sa halip na informed decision ang mabuo sa isip ng mamamayan, nagiging manipulated decision ito. Nabubuo ang opinyon ng tao hindi sa katotohanan kundi sa paulit-ulit na exposure sa misleading content. At kapag nasabayan pa ito ng justification, lalong tumitibay ang maling paniniwala. Kahit may fact-check na, may mga taong patuloy pa ring naninindigan sa kasinungalingan dahil iyon ang mas komportableng paniwalaan.
Ganito rin sa personal na buhay at negosyo. Maraming scam pages, fake sellers, at bogus transactions ang patuloy na nakabibiktima ng tao dahil sa polished presentation at scripted persuasion. May mga pekeng online shops, huwad na promos, at mga mapanlinlang na account na gumagamit ng tiwala ng publiko para makapangloko. At dahil mahirap silang habulin at madalas ay walang malinaw na pananagutan, mas lalong lumalakas ang loob ng mga manloloko. Samantala, ang ordinaryong mamamayan ang patuloy na nalalagay sa alanganin.
Totoo na ang bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan sa pagpili at paniniwala. May kanya-kanyang karanasan, pangangailangan, at pananaw sa buhay. Ngunit hindi sapat ang simpleng dahilan kung wala naman itong matibay na batayan. Ang tunay na wisdom ay hindi lamang ang kakayahang magsalita at magdepensa ng sariling opinyon, kundi ang kakayahang umamin kapag mali at ang tapang na ituwid ang dating paniniwala. Hindi kahinaan ang magbago ng isip kapag mas malinaw na ang katotohanan. Sa halip, tanda ito ng maturity at discernment.
Bilang mga taong nilikha ng Diyos na may isip at konsensya, may responsibilidad tayong gamitin ang ating talino. Hindi ibinigay sa atin ang utak para lamang magpadala sa hype, sa dami ng likes, sa ingay ng komento, o sa tamis ng pangako. Ibinigay ito upang tayo ay magsuri, magtanong, maghambing, at matutong kumilala sa tama at mali. Hindi lahat ng attractive ay tama. Hindi lahat ng trending ay totoo. At hindi lahat ng paulit-ulit na sinasabi ay dapat paniwalaan.
Kaya bago maniwala, bumoto, makipagtransaksyon, o mag-share ng impormasyon, kailangan muna nating itanong sa ating sarili: Ito ba ay verified, o gusto ko lamang itong paniwalaan? May sapat bang ebidensya, o nadadala lang ako sa emosyon at justification? Ang source ba ay legit, o isa lamang itong fake page na nakikinabang sa panlilinlang?
Sa panahon ng fake news, fake pages, fake promises, at fake intentions, hindi sapat ang maging mabait at mapagtiwala. Kailangan nating maging mapanuri, responsable, at matalino. Sapagkat ang taong hindi marunong magsuri ay madaling malinlang, at ang lipunang madaling malinlang ay paulit-ulit na mabibigo. Kaya ang paalala ay simple ngunit mahalaga: Wag pa-budol. Huwag agad maniwala sa tamis ng salita, ganda ng layout, o dami ng followers. Gamitin ang isip. Kilatisin ang source. Suriin ang gawa. At sa bawat desisyon, piliin ang katotohanan kaysa sa madaling paniwalaan.
