Isinagawa sa pamamagitan ng Zoom Conference ang ikalawang quarterly full council meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kahapon, Abril 13, sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan.
Dinaluhan ang pagpupulong ng mga miyembro ng konseho, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, law enforcement agencies, at partner institutions na patuloy na nagtutulungan upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa lalawigan ng Quezon.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang kasalukuyang lagay ng panahon, partikular ang Super Typhoon Sinlaku na kasalukuyang minomonitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon sa ulat, may maliit lamang na posibilidad na pumasok ito sa PAR ngunit patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad.
Inilahad din sa pulong ang estado ng peace and order sa lalawigan, lalo na ang naging sitwasyon noong nakaraang Semana Santa 2026. Kabilang sa mga iniulat ang crime statistics, road crash incidents, drowning incidents, at fire incidents. Sa kabila nito, nanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa buong lalawigan, na iniuugnay sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na nakaapekto sa bilang ng mga bumibyahe.
Tinalakay rin ang implementasyon ng Online Reservation Assistance System (ORAS), na nakatulong umano sa mas maayos na pamamahala ng daloy ng biyahe, lalo na sa mga pantalan at transport hubs.
Bukod dito, napag-usapan din ang patuloy na nararanasang El Niño sa bansa at ang posibleng epekto nito sa lalawigan, kabilang ang kakulangan sa suplay ng tubig at epekto sa agrikultura.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng nasabing pagpupulong na higit pang mapalakas ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, at matiyak ang kahandaan ng pamahalaan sa anumang banta ng sakuna at iba pang hamon.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
