Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa naganap na pamamaril noong Abril 10, 2026 sa Diversion Road, Brgy. Danlagan, na ikinasawi ng dalawang katao.

Batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police, partikular ng Lopez Municipal Police Station, natukoy ang mga suspek sa tulong ng masusing pagsusuri ng CCTV footage. Kinilala ang mga ito bilang sina alyas “Leo” at alyas “Jeron.”

Sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng Lopez MPS, Quezon Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Quezon Provincial Intelligence Unit (PIU), boluntaryong sumuko si alyas “Leo.” Itinuro rin nito sa mga awtoridad ang kinaroroonan ng motorsiklong ginamit sa krimen, na agad namang nabawi.

Naisampa na ng kapulisan ang kasong dalawang bilang ng murder laban sa mga suspek. Sa kasalukuyan, patuloy ang manhunt operation upang madakip ang natitirang suspek na si alyas “Jeron.”

Ayon kay 𝗣𝗖𝗢𝗟 𝗥𝗢𝗠𝗨𝗟𝗢 𝗔 𝗔𝗟𝗕𝗔𝗖𝗘𝗔, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng sangkot sa krimen.

“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napapanagot ang lahat ng sangkot sa krimeng ito. Patuloy ang ating operasyon upang mahuli ang natitirang suspek at matiyak ang hustisya para sa mga biktima.”

Hinihikayat ng Quezon PPO ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa agarang pagkakaaresto ng natitirang suspek.

Source: PIO, QPPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved