Ibinalita ni Infanta Mayor L.A. Ruanto na aprubado na ang ₱50 milyong pondo para sa konstruksyon at pagpapatapos ng bagong gusali ng munisipyo ng bayan, kasunod ng suporta ni Miguel Zubiri sa ilalim ng 2026 national budget.
Ayon sa alkalde, ang pondo ay bahagi ng institutional amendments ni Zubiri sa pagpasa ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act. Nakalaan ito para sa “Construction (Completion) of New Infanta Municipal Building (Executive and Legislative Building)” na matatagpuan sa Purok Ilang-ilang, Barangay Comon.
Dahil dito, pinasalamatan ni Ruanto ang senador sa patuloy na pagtulong sa bayan ng Infanta at sa buong lalawigan ng Quezon. Aniya, ito na ang ikatlong proyektong naibaba ni Zubiri sa kanilang bayan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kasunod ng pagpapatayo ng Binulasan Covered Court at Balobo Covered Court.
Sa liham naman ng senador, kanyang kinumpirma ang pag-apruba ng proyekto at hinikayat ang lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa DPWH Quezon 1st District Engineering Office para sa implementasyon nito. Binigyang-diin din ni Zubiri ang kahalagahan ng maayos at malinis na pagpapatupad ng proyekto.
“Walang sinuman mula sa aking tanggapan ang dapat makialam sa implementasyon ng proyekto o masangkot sa anumang uri ng kickback o pabor,” paalala ng senador sa kanyang liham.
Sa kasalukuyan, ayon sa lokal na pamahalaan, malaki pa ang kabuuang pondong kinakailangan upang tuluyang makumpleto ang bagong munisipyo, kaya’t malaking tulong ang nasabing alokasyon upang mapabilis ang konstruksyon nito.
Inaasahan na ang bagong gusali ay magbibigay ng mas maayos at episyenteng serbisyo publiko sa mga residente ng Infanta.
