Posibleng magkaroon ng kauna-unahang mall sa bayan ng Infanta matapos makipagpulong si Mayor L.A. Ruanto sa isang mamumuhunan sa tulong ng kanyang kaibigan na si Konsehal James Yap ng San Juan nitong nakaraang weekend.

Ayon sa alkalde, naging mabunga ang naturang pagpupulong kung saan nailatag niya ang pangmatagalan at mas malawak na direksyon ng pag-unlad ng bayan, lalo na sa aspeto ng pamumuhunan at imprastraktura.

Kasunod nito, agad ding nakipagpulong si Mayor Ruanto noong Lunes sa mga arkitekto, inhinyero, at contractor ng proyekto upang tiyakin ang maayos na pagpaplano.

Binigyang-diin ng alkalde na dapat isaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan, partikular ang mga ilog, gayundin ang maayos na daloy ng trapiko sa oras na maisakatuparan ang proyekto.

Kaugnay nito, inilatag ng alkalde ang malinaw na polisiya ng lokal na pamahalaan para sa mga nais mamuhunan sa Infanta.

Una, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng “lagay” o korapsyon sa lahat ng transaksyon sa pamahalaan—mula sa pagkuha ng permits hanggang sa konstruksyon—at hinikayat ang mga negosyante na agad magsumbong kung makakaranas nito.

Ikalawa, ipinatutupad ang patakarang “Start Now, Comply Later” upang mapabilis ang pagsisimula ng negosyo kahit may ilang dokumentong inaayos pa, basta’t kumpleto ito sa kalaunan. Layunin nitong maiwasan ang pagkaantala at masayang na puhunan.

Ikatlo, binigyang-diin ang responsableng pamumuhunan kung saan kinakailangang sumunod ang mga negosyante sa mga regulasyon sa kapaligiran, maayos na pamamahala ng basura, at tamang pasahod sa mga empleyado.

Ikaapat, pinalalakas ang seguridad at kaayusan sa bayan sa pamamagitan ng mga programang Lingap App at Sumbungan App, pati na ang pagdagdag ng pwersa mula sa Task Force Disiplina at Provincial Mobile Force upang matugunan ang mga reklamo at peace and order concerns.

“Panimula pa lamang ito. Marami pang susunod. Kaya’t lalo pa natin pagsumikapan na maging business-friendly ang ating bayan,” pahayag ni Mayor Ruanto, habang pinasalamatan ang mamumuhunang si Hans sa pagtitiwala sa Infanta.

Sa oras na maisakatuparan, inaasahang magbibigay ang planong mall ng dagdag na trabaho at oportunidad sa mga residente ng bayan.

Photos courtesy of L.A. RUANTO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved