Isang panibagong yugto ng pag-unlad at masiglang kabuhayan ang pormal nang sinimulan matapos isagawa ang groundbreaking ceremony para sa The Central, ang bagong mixed-use commercial hub ng Villa Escudero Corporation, nitong Miyerkules, Abril 22, 2026, sa bayan ng Tiaong.
Dumalo sa nasabing seremonya sina Governor Doktora Helen Tan at Bokal Doc Kim Tan bilang pagpapakita ng buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa proyektong inaasahang magdadala ng mas maraming oportunidad sa lalawigan.
Nakiisa rin ang mga dumalo sa AHWAG Ritual, o ang tradisyunal na pagbabasag ng palayok na may lamang tubig, bilang simbolo ng pagkakaisa, sama-samang pagsisikap, at matibay na ugnayan ng komunidad tungo sa tagumpay ng proyekto.
Ayon sa Villa Escudero Corporation, ang The Central ay itatayo sa isang tinatayang siyam (9) na ektaryang lupain sa Barangay Lalig, Tiaong, na saklaw din ng mga karatig lugar kabilang ang San Pablo City at bayan ng Dolores. Ang lokasyon nito sa kahabaan ng Maharlika Highway at malapit sa inaasahang SLEX TR-4 interchange ay nakikitang magiging mahalagang sentro ng negosyo at paglalakbay sa Southern Luzon.
Bukod sa pagiging isang modernong pamilihan, layunin ng The Central na magsilbing sentro ng komersyo para sa mga lokal na negosyante, maliliit na negosyo, at maging mga kilalang pambansa at pandaigdigang brand. Inaasahan ding magbubukas ito ng maraming trabaho at hanapbuhay para sa mga residente ng Quezon at karatig-probinsiya.
Batay sa ulat, ang proyekto ay bubuuin sa siyam na yugto ng konstruksyon at target na makumpleto pagsapit ng 2028. Kasama rin sa plano ang paggamit ng renewable energy tulad ng solar power at pagkakaroon ng electric vehicle charging stations bilang bahagi ng sustainable development goals ng kompanya.
Ipinapakita ng proyektong ito ang matibay na pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan sa pagsusulong ng kaunlaran, na inaasahang magpapasigla sa lokal na ekonomiya at magpapataas sa antas ng pamumuhay ng bawat Quezonian.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
