Pormal nang nilagdaan nitong Martes, Abril 21, ang isang Tripartite Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB), Department of Environment and Natural Resources Region IV-A CALABARZON (DENR IV-A), at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon para sa implementasyon ng isang mahalagang pag-aaral hinggil sa Physical Carrying Capacity of Renewable Energy Sources sa lalawigan.

Layunin ng kasunduan na higit pang pagtibayin ang koordinasyon at pagtutulungan ng tatlong panig sa pagsasagawa ng komprehensibong pag-aaral na tutukoy sa angkop na dami at uri ng mga renewable energy projects na maaaring ipatupad sa Quezon.

Ayon sa mga lumagda, magsisilbing mahalagang batayan ang pag-aaral upang matiyak na ang pagpasok ng mga proyekto tulad ng solar, wind, hydro, at iba pang malinis na pinagkukunan ng enerhiya ay hindi lalampas sa kakayahan ng kapaligiran at ng mga komunidad na sumuporta rito.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mapananatili ang balanse sa pagitan ng patuloy na pagpapaunlad ng sektor ng enerhiya at ng pangangalaga sa likas-yaman at ekosistema ng lalawigan—isang hakbang na nakaayon sa mas pinaigting na pagsusuri ng environmental compliance para sa renewable energy projects sa bansa.

Lumagda sa nasabing kasunduan sina ERDB Director Lormelyn E. Claudio, CESO III, DENR Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, CESO III, at Governor Doktora Helen Tan, bilang pagpapahayag ng kanilang buong suporta sa makakalikasang pag-unlad ng Quezon.

Ipinapakita ng kasunduang ito ang kahalagahan ng paggamit ng agham, pananaliksik, at matibay na ugnayan sa pagitan ng mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan upang masiguro ang sustenableng pag-unlad ng renewable energy sa lalawigan.

 

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved