Sa kabila ng hindi magandang lagay ng panahon at maalon na karagatan, matagumpay na naihatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan ang serbisyong medikal sa unang araw ng “Kalinga sa Mamamayan Libreng Gamutan” sa bayan ng Panukulan sa Polillo Group of Islands (POGI) kahapon, Mayo 19.

Kasama ni Governor Tan sa isinagawang medical mission sina Third Alcala, ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at mga doktor at nurse mula sa iba’t ibang ospital sa lalawigan.

Umabot sa 2,012 residente ang nabigyan ng iba’t ibang libreng serbisyong medikal kabilang ang medical consultation, libreng gamot, dental extraction, dermatology consultation, circumcision, minor surgery, bukol screening, fasting blood sugar test, laboratory services, ultrasound, HIV at syphilis testing, HPV at cervical screening, family planning, chest X-ray, electrocardiogram (ECG), at iba pang serbisyong pangkalusugan.

Bukod sa serbisyong medikal, nagkaloob din ng tulong pinansyal ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng programang “STAN Kalinga sa Mamamayan, Tulong Pinansyal mula sa Kapitolyo.”

Nakiisa rin sa aktibidad ang Office of the Provincial Veterinarian na nagsagawa ng libreng serbisyong beterinaryo. Ayon sa ulat, nasa 1,632 hayop ang nabigyan ng konsultasyon habang 16 naman ang nabakunahan na pagmamay-ari ng 93 residente sa bayan.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang layuning mailapit ang serbisyong medikal at iba pang ayuda sa mga komunidad na nasa malalayong lugar, lalo na sa mga isla ng Quezon.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved