Mahigit 14,000 residente mula sa iba’t ibang bayan sa Polillo Group of Islands (POGI) ang nabigyan ng libreng serbisyong pangkalusugan sa isinagawang sunod-sunod na “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon mula Mayo 19 hanggang 23.
Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan kasama si Vice Governor Third Alcala, matagumpay na naihatid ang iba’t ibang serbisyong medikal sa mga bayan ng Panukulan, Polillo, Burdeos, Patnanungan, at Jomalig sa kabila ng maalon na karagatan, masamang panahon, at layo ng mga isla.
Unang nagtungo ang medical mission team sa bayan ng Panukulan noong Mayo 19 kung saan 2,012 residente ang nabigyan ng medical consultation, libreng gamot, dental extraction, dermatology services, circumcision, minor surgery, laboratory services, ultrasound, HIV at syphilis testing, cervical screening, family planning, chest X-ray, ECG, at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Sinundan ito ng medical mission sa Polillo noong Mayo 20 na umabot sa 2,995 residente ang nakinabang sa libreng gamutan sa tulong ng mga doktor, nurse, volunteers, at espesyalista mula sa iba’t ibang ospital at ahensya kabilang ang RAKKK Prophet Medical Center Inc., Provincial Health Office, QPHN-QMC, Rizal Medical Center, East Avenue Medical Center, at mga pribadong manggagamot.
Noong Mayo 21, nagtungo naman ang grupo sa Burdeos kung saan 2,661 residente ang nabigyan ng komprehensibong serbisyong medikal kabilang ang laboratory services, ultrasound, chest X-ray, ECG, at minor surgery.
Sa bayan ng Patnanungan noong Mayo 22, umabot naman sa 3,408 residente ang natulungan sa pamamagitan ng medical consultation, libreng gamot, circumcision, dental extraction, at iba pang serbisyong medikal.
Naging huling destinasyon ng paglalayag ang bayan ng Jomalig noong Mayo 23 kung saan 3,152 mamamayan ang nabigyan ng libreng gamutan at iba’t ibang serbisyong pangkalusugan.
Bukod sa libreng gamutan, nagkaloob din ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng programang “STAN Kalinga sa Mamamayan, Tulong Pinansyal mula sa Kapitolyo.”
Nakiisa rin ang Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) sa pagbibigay ng libreng serbisyong beterinaryo at pagbabakuna sa mga alagang hayop sa bawat bayan na kanilang napuntahan. Sa Panukulan pa lamang, umabot sa 1,632 hayop ang nabigyan ng konsultasyon habang 16 ang nabakunahan. Sa Burdeos, nasa 1,154 alagang hayop naman ang nabigyan ng libreng veterinary services.
Ayon kay Governor Tan, patuloy na palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan ang paglalapit ng serbisyo sa mga mamamayan lalo na sa mga malalayong isla.
“Mayroon po tayong Satellite Office (sa bawat bayan), ‘yun po’y hindi basta gusali na may staff, kaya po tayo naglagay n’yan para po pag kayo’y dumadaan sa matinding problema pwede kayong magtanong baka matutulungan namin kayo,” ani Governor Tan.
Sa kabuuan, muling pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na walang layo o hirap ng biyahe ang makapipigil upang maihatid ang serbisyong may malasakit para sa bawat Quezonian.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
