Binisita at ininspeksyon ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa pangunguna ni Vice Mayor Walter “Wally” Dapla kasama ang Quezon Metropolitan Water District (QMWD) Management at Planning Team sa pamumuno ni Gen. Manager Carina De Asis ang isang potensyal na water source site bilang bahagi ng planong pagpapalawak ng serbisyo ng tubig sa bayan ng Pagbilao.

Layunin ng naturang proyekto na makapagsimula ng water distribution network sa ilang barangay sa Pagbilao na hanggang sa kasalukuyan ay nakararanas pa rin ng kakulangan sa sapat at maayos na suplay ng tubig.

Ayon kay Vice Mayor Dapla, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Sangguniang Bayan upang mabigyan ng sarili, maayos, at maaasahang suplay ng tubig ang mga residente ng bayan, lalo’t matagal nang suliranin ng maraming mamamayan ang kakulangan sa malinis at tuloy-tuloy na daloy ng tubig.

Kasabay ng isinagawang inspeksyon ay ang pagpupulong hinggil sa planong total rehabilitation ng mga mainline ng tubig na pagmamay-ari ng QMWD mula Brgy. Bigo hanggang sa kabayanan. Layunin nitong maisakatuparan ang mas matibay, episyente, at pangmatagalang solusyon sa problema sa suplay ng tubig sa Pagbilao.

Nagpasalamat naman si Dapla sa maagap at positibong pagtugon ng QMWD sa resolusyong isinulong at inaprubahan ng Sangguniang Bayan, partikular kina Konsehal Ariel T. Martinez at Konsehal Celedonio “Deony” Dapla na mga may-akda ng nasabing mga kahilingan.

Binigyang-diin pa ng bise alkalde na mahalaga ang maayos na koordinasyon, bukas na pakikipagtulungan, at responsableng pamamahala upang mapabilis ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan.

“Patuloy po nating paiigtingin ang tapat, lapat, at mahusay na paglilingkod publiko. Sapagkat ang bawat programa at proyekto ay nararapat na maghatid ng mas maayos at mas magandang kalidad ng buhay para sa ating mga kababayan,” ani Dapla.

Matatandaang matagal nang isa sa mga pangunahing suliranin sa ilang bahagi ng Pagbilao ang kakulangan sa sapat na suplay ng tubig, dahilan upang magsagawa ng iba’t ibang hakbang ang Sangguniang Bayan katuwang ang QMWD upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.

Photos courtesy of Wally Dapla

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved