Nagbigay ng panibagong karangalan sa CALABARZON ang batang sprinter na si Franz Gabriel Regaspi Mallorca matapos nitong masungkit ang silver medal sa Elementary Boys 200-Meter Dash sa nagpapatuloy na ika-66 na Palarong Pambansa sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Kinatawan ni Mallorca ang Lucena City at ang delegasyong “CALABARZON Heroes” sa ginanap na kompetisyon sa Datu Lipus Makapandong – Democrito O. Plaza Sports Complex.
Ipinamalas ng batang atleta ang matinding bilis at determinasyon laban sa mga kampeon mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang masungkit ang ikalawang puwesto sa isa sa pinakamahigpit na laban sa larangan ng athletics.
Malaking ambag ang medalya ni Mallorca sa kampanya ng CALABARZON sa athletics division ng pambansang palaro, kung saan target ng rehiyon na mapanatili ang kanilang lakas at dominasyon sa iba’t ibang track-and-field events.
Ayon sa mga coach ng koponan, bunga ng disiplina, tiyaga, at masusing pagsasanay ni Mallorca sa division at regional training ang kanyang matagumpay na pagtakbo sa pambansang entablado.
Taglay ang temang “Unlocking the Future Through Sports,” makasaysayan ang taong ito para sa Agusan del Sur dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na maging host ng Palarong Pambansa ang lalawigan.
