Nakipagpulong si Governor Doktora Helen Tan nitong Hunyo 1, kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla upang talakayin ang mahahalagang usapin kaugnay ng kapayapaan, kaayusan, at patuloy na pag-unlad ng rehiyon.
Isa sa mga pangunahing paksa na kanilang pinag-usapan ay ang nalalapit na deklarasyon ng CALABARZON bilang insurgency-free region kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, ang inaasahang deklarasyon ay magsisilbing mahalagang tagumpay sa kampanya laban sa insurhensiya sa rehiyon. Bunga ito ng pinagsama-samang pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, mga civil society organization, at iba pang sektor upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
Matatandaang noong 2023 ay naideklarang insurgency-free ang buong lalawigan ng Quezon, na naging unang lalawigan sa CALABARZON na nagtamo ng naturang pagkilala matapos ang malaking pagbaba ng aktibidad ng mga rebeldeng grupo sa lugar.
Binigyang-diin ni Governor Tan na ang kapayapaan ay mahalagang pundasyon ng pag-unlad, habang patuloy namang isinusulong ng DILG at ng mga lokal na pamahalaan ang mga programang naglalayong mapanatili ang seguridad at mapabuti ang buhay ng mga mamamayan sa rehiyon.
