Nanganganib na maapektuhan ang suplay ng tubig sa bayan ng Alabat dahil sa kakulangan ng diesel na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga water pump sa Camaya Spring, ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng bayan.

 

Ayon kay Mayor Ays Canimo, ang Camaya Spring ang may pinakamalaking ambag sa suplay ng tubig sa mga residente. Dahil dito, anumang aberya tulad ng pagkasira ng genset, pagkaubos ng krudo, o pagkaputol ng linya ng tubo ay agad na nagdudulot ng epekto sa malaking bahagi ng populasyon.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang bayan sa problema ng kakulangan ng diesel matapos mawalan ng mapagkukunan ng krudo sa isla. Dahil dito, kinakailangan pang kumuha ng suplay mula sa ibang lugar upang mapanatiling umaandar ang sistema ng tubig.

 

Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, ang natitirang reserbang diesel para sa Camaya Spring ay inaasahang sasapat na lamang hanggang sa susunod na araw. Kapag tuluyang naubos ang krudo, mapipilitang huminto ang operasyon ng dalawang water pump na pinatatakbo ng genset, na maaaring magdulot ng malawakang pagkaantala sa suplay ng tubig sa bayan.

 

Lumabas din sa pagsusuri ng LGU na umaabot sa humigit-kumulang ₱10,000 kada araw ang gastos sa diesel para lamang sa operasyon ng Camaya Spring. Kapag isinama ang iba pang gastusin tulad ng kuryente, pagkukumpuni, at maintenance, mas mataas pa ang kabuuang operational expenses kumpara sa kinokolektang bayad mula sa serbisyo ng tubig.

 

Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng Pamahalaang Bayan na patuloy itong kumikilos upang mapanatili ang serbisyo at maiwasan ang matinding epekto sa mga mamamayan.

 

“Patuloy po nating hinahanap ang mga pangmatagalan at mas matatag na solusyon upang matugunan ang pangangailangan sa tubig ng bawat Alabatin,” ayon kay Canimo.

 

Kasabay nito, sinabi ni Canimo na rerepasuhin at paiigtingin nito ang pamamahala sa water system ng bayan upang matiyak na magiging mas episyente, maayos, at naaayon sa mga umiiral na patakaran ang operasyon nito habang naghahanap ng mga alternatibong hakbang para sa mas matatag na suplay ng tubig sa hinaharap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved