Nilinaw ni Vice Mayor Wally Dapla na hindi mawawalan ng suplay ng tubig ang mga residente ng Pagbilao kahit pa mawalan ng business permit ang PrimeWater, dahil nananatiling may legal na mandato ang Quezon Metropolitan Water District (QMWD) na ipagpatuloy ang operasyon ng serbisyo ng tubig.

Ito ang nilinaw ni Presiding Officer Vice Mayor Dapla sa isinagawang ika-50 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan noong Hunyo 23 bilang tugon sa naging pahayag ni Mayor Gigi Portes sa nakaraang flag ceremony ng lokal na pamahalaan noong Lunes, Hunyo 22.

Mayor Gigi Portes habang nagbibigay ng kanyang ulat at mensahe sa ginanap na Flag Raising Ceremony noong ika- 22 ng Hunyo 2026

Ipinagtanggol ni Mayor Portes ang ginawang pag-renew ng business permit ng PrimeWater, na aniya ay alinsunod sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Act.

Ayon sa alkalde, hindi maaaring basta tanggihan ang aplikasyon ng isang negosyo kung kumpleto ito sa mga rekisito, at kinakailangan ding dumaan sa tamang proseso at may sapat na ebidensya bago maisaalang-alang ang suspensyon o pagbawi ng permit.

Gayunman, iginiit ni Dapla na dapat ding tingnan ang mga umano’y paglabag at reklamo kaugnay ng serbisyo ng tubig, lalo na kung naaapektuhan na ang kapakanan ng mga residente.

Vice Mayor Walter "Wally" G. Dapla habang nagpapaliwanag sa gitna ng ika-50 na Regular na Sesyon ng ika-12 Sangguniang Bayan ng Pagbilao

Para sa bise alkalde, ang pinakamahalagang mensahe sa gitna ng patuloy na krisis sa tubig ay ang katotohanang hindi nakasalalay lamang sa PrimeWater ang suplay ng tubig sa Pagbilao.

“False to assume na mawawalan ng tubig ang Pagbilao kung sila ay pagkakaitan ng business permit because it’s the responsibility of QMWD to take over and be in charge sa pamamahala ng usaping tubig,” aniya.

Tinutulan ni Dapla ang paniniwalang kapag hindi nabigyan ng permit ang PrimeWater ay tuluyan nang mawawalan ng tubig ang bayan.

“Ang tanong, mawawalan ba ng tubig kapag hindi binigyan ng business permit? Definitely hindi. Kung ano ang estado natin, ganoon pa rin,” diin ni Dapla.

Ipinaliwanag niya na ang PrimeWater ay pribadong operator lamang na nakipagkasundo sa QMWD sa pamamagitan ng isang joint venture agreement, ngunit hindi nito pag-aari ang water district at mga pasilidad nito.

“Si QMWD remains to be the owner of all the assets the water district has,” aniya.

Ayon kay Dapla, kung hindi makapag-operate nang legal ang PrimeWater dahil sa kawalan ng business permit, nakahanda ang QMWD na akuin ang operasyon alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Presidential Decree No. 198 o Provincial Water Utilities Act of 1973, na lumikha sa mga water district bilang pangunahing tagapagbigay ng serbisyo ng tubig sa kanilang mga sakop na lugar.

“Kung hindi makapag-operate legally ang PrimeWater because wala silang business permit, then it’s the statutory role or mandate of QMWD to step in and to operate the water district in the absence of their JV partner,” paliwanag ng bise alkalde.

Binigyang-diin niya na hindi rin awtomatikong makakansela ang joint venture agreement sa pagitan ng QMWD at PrimeWater kahit hindi mabigyan ng permit ang pribadong operator, dahil hiwalay itong usapin sa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan.

“May safety net tayo, at iyon ang QMWD,” ani Dapla.

Sinabi rin niya na ang QMWD ang may responsibilidad na tiyaking tuloy-tuloy ang serbisyo ng tubig sa mga bayan na sakop nito sakaling hindi magampanan ng pribadong partner ang tungkulin nito.

Dagdag pa niya, higit na mahalaga ang agarang pagkilos upang matiyak ang maayos na serbisyo ng tubig kaysa sa patuloy na pagtatalo, dahil ang pangunahing layunin ay mabigyan ng sapat at tuloy-tuloy na suplay ng tubig ang mga mamamayan ng Pagbilao.

Photos courtesy of Wally Dapla 

Mga konsehal at miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa Ika-50 Regular na Sesyon ng Ika-12 Sanggunian sa Don Claro M. Recto Hall, Hunyo 23, 2026.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved