Mahigit 470 mangingisda mula sa 26 samahan sa bayan ng Pagbilao ang nagtipon nitong Hunyo 24 para sa ikalawang taon ng “Alon at Ani: Araw ng Pagkilala sa mga Mangingisdang Pagbilaoin,” isang programang inilunsad ng Therma Luzon, Inc. (TLI) bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) initiatives ng AboitizPower upang kilalanin at palakasin ang kabuhayan ng mga komunidad sa baybayin.

Isinagawa ang pagtitipon sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Pagbilao at iba’t ibang stakeholder sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Layunin nitong ipagdiwang ang mahalagang papel ng mga mangingisda sa lokal na ekonomiya at hikayatin ang pagpapatuloy ng napapanatiling pangingisda.

Dumalo sa programa ang mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Pagbilao at mga opisyal ng Barangay Ibabang Polo bilang pagpapakita ng suporta ng pamahalaan sa sektor ng pangisdaan.

Bahagi rin ng aktibidad ang mga talakayan mula sa mga eksperto upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga mangingisda. Kabilang sa mga naging resource speaker sina LTJG Mario Rey A. Vics ng Philippine Coast Guard Station Southern Quezon, Fishing Regulations Officer I Gemaica C. Moloboco, at Aquacultural Technologist Mark Joseph Culaste.

Tinalakay sa programa ang mga usapin hinggil sa kaligtasan sa karagatan, mga umiiral na regulasyon sa pangingisda, at makabagong pamamaraan sa aquaculture na makatutulong sa pagpapataas ng produksyon at pangangalaga sa yamang-dagat.

Ayon sa TLI, ang “Alon at Ani” ay isa sa mga hakbang ng kumpanya upang suportahan ang mga komunidad na nakapaligid sa kanilang operasyon sa Pagbilao. Ang kumpanya ay matagal nang nagsasagawa ng iba’t ibang proyektong pangkabuhayan at pangkapaligiran, kabilang ang mga programang nakatuon sa pangisdaan, marine conservation, at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa dagat.

Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat ang TLI sa mga mangingisda at katuwang na organisasyon sa matagumpay na pagdaraos ng ikalawang taon ng “Alon at Ani,” na naglalayong maghatid ng mas matatag na kabuhayan at mas maliwanag na kinabukasan para sa mga komunidad ng mangingisda sa Pagbilao.

Photos courtesy of Rupert Vito

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved