Kabilang si Governor Doktora Helen Tan sa mga ginawaran ng pagkilala sa pagdiriwang ng ika-39 na Founding Anniversary ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ng Armed Forces of the Philippines na ginanap kamakailan sa Camp Guillermo Nakar sa Lungsod ng Lucena na pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., PA.

Kinilala si Gov. Tan bilang pagkilala sa patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga programang nagtataguyod ng seguridad, kapayapaan, at kaunlaran sa lalawigan sa pamamagitan ng malapit na pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at ng Armed Forces of the Philippines.

Isa sa mga pangunahing programang itinampok ay ang YES INSPIRE (Youth Empowerment Strategy on the Initiative of Nurturing Students’ Potential, Innovation, Responsibilities, and Excellence), isang inisyatiba ng provincial government na naglalayong hubugin ang kabataang Quezonin sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kakayahan, pananagutan, inobasyon, at kahusayan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang naturang programa ay bahagi ng mas malawak na adhikain na ilayo ang kabataan sa mga banta ng kriminalidad, karahasan, at ekstremismo sa pamamagitan ng edukasyon, leadership development, at positibong pakikilahok sa komunidad.

Matagal nang katuwang ng SOLCOM ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa iba’t ibang programa at inisyatiba na naglalayong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa lalawigan. Patunay rito ang patuloy na ugnayan ng dalawang institusyon sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pag-unlad ng mga komunidad at kapakanan ng mga mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved