Nagtipon ang humigit-kumulang 1,700 Barangay Nutrition Scholars (BNS) at iba pang nutrition workers mula sa apat na distrito ng Quezon sa idinaos na 11th Barangay Nutrition Scholars Convention at Gawad Parangal sa Nutrisyon sa Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena nitong Hulyo 1, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Nutrition Month.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Barangay Nutrition Committees (BNC), Provincial Nutrition Action Office (PNAO), Provincial Nutrition Evaluation Team (PNET), Provincial Nutrition Monitoring Committee (PNMC), Municipal Nutrition Committees (MNC), Municipal Nutrition Action Officers (MNAO), at Municipal Nutrition Program Coordinators (MNPC).
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Doktora Helen Tan na mahalagang pundasyon ng kaunlaran ang kalusugan ng mamamayan.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pagpapatupad ng mga programang laban sa malnutrisyon at pinasalamatan ang mga Barangay Nutrition Scholar sa kanilang dedikasyon bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapabuti ng kalagayang pangnutrisyon ng mga komunidad.
Kasabay ng convention ay ginanap din ang Gawad Parangal sa Nutrisyon kung saan kinilala ang mga natatanging indibidwal, katuwang sa nutrisyon, at mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong mabawasan ang malnutrisyon at mapabuti ang kalusugan ng mga mamamayan, lalo na ng mga bata.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat! Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”, na naglalayong palakasin ang kamalayan sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalikasan bilang mahalagang salik sa pagkamit ng mas malusog na pamayanan.
