Dahil sa tumitinding pangamba sa patuloy na pagdami ng quarry operations at sa posibleng epekto nito sa kalikasan at kaligtasan ng mga residente, pinamamadali ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao ang pagtalakay at pagpapatibay ng panukalang quarry ordinance na magpapalakas sa partisipasyon ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng quarry clearances at pangangasiwa sa mga operasyon.
Sa Question Hour ng isinagawang ika-52 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan nitong Hulyo 7, inihayag ni Konsehal Deony Dapla ang kanyang pangamba sa patuloy na pagdami ng mga aplikasyon para sa quarrying at sa umano’y mga operasyong maaaring lumalampas na sa saklaw ng kanilang mga permit.
Aniya, kinakailangan ang agarang legal na gabay mula sa Provincial Legal Office upang matukoy ang mga maaaring hakbang ng Sangguniang Bayan kaugnay ng panukalang ordinansa.
Binigyang-diin ni Dapla na bagama’t limitado ang papel ng Sangguniang Bayan sa ilalim ng umiiral na batas sa pagmimina, lumitaw sa mga naging talakayan ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) at mga quarry operator na ang proseso ng pagkuha ng clearance ay nagsisimula sa barangay at municipal LGU bago umusad sa iba pang ahensya.
Dahil dito, nais niyang magkaroon ng mas malinaw na partisipasyon ang konseho, kabilang ang pagbibigay ng resolusyon upang magpahayag ng pagtutol sa mga quarry application na maaaring magdulot ng panganib sa kalikasan at komunidad.
Ipinahayag din ni Dapla ang kanyang pangamba sa kalagayan ng ilang lugar sa Palsabangon, Silangan at Kanlurang Malicboy, at Ibabang Palsabangon, kung saan aniya ay umaabot na sa matataas na bahagi ng bundok ang paghuhukay.
Ayon sa kanya, nangangamba ang mga residente at maging ang mga guro sa isang paaralan sa lugar dahil sa posibilidad ng landslide tuwing malalakas ang pag-ulan.
Isa rin sa mga isyung binigyang-pansin ang umano’y paggamit ng agricultural lands para sa quarry operations nang walang naunang land reclassification, gayundin ang patuloy na pagbubukas ng mga bagong quarry site, kabilang ang isang proyektong tinalakay sa isinagawang public hearing sa Barangay Pinagbayanan.
Samantala, sinabi ni SB Secretary Jerome De Rama na natanggap ng Provincial Legal Office ang liham ng Sanggunian noong Marso 12, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa itong naibibigay na tugon. Iminungkahi niya ang pag-iimbita sa mga kinatawan ng naturang tanggapan upang personal na maipaliwanag ang kanilang posisyon at mapabilis ang pagtalakay sa panukalang ordinansa.
Sinabi naman ni Vice Mayor Wally Dapla na komplikado ang usapin ng quarrying dahil sangkot dito ang municipal, provincial, at national government agencies, pati na ang iba’t ibang permit at lisensiyang kinakailangan bago makapag-operate.
Gayunman, inihayag niya na may mga natatanggap na ulat na may ilang quarry operators sa Pagbilao na umano’y nagsasagawa ng operasyon sa labas ng kanilang inaprubahang permit o wala pang kaukulang permit.
Aniya, naiparating na ito sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) upang magsagawa ng inspeksyon at beripikasyon, at kung mapapatunayang may paglabag ay dapat na agad na maisagawa ang kaukulang aksyon.
Bilang susunod na hakbang, iminungkahi ng Sanggunian ang paghingi ng konsultasyon sa mga kinauukulang ahensya kabilang ang DENR Region IV-A, Mines and Geosciences Bureau (MGB), Environmental Management Bureau (EMB), at Provincial Mining Regulatory Board (PMRB), gayundin ang pagsasagawa ng technical inspection at validation upang matiyak kung ang aktuwal na quarry operations ay naaayon sa saklaw ng kanilang mga permit at sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Ayon sa paunang impormasyong tinalakay sa sesyon, tinatayang umaabot sa humigit-kumulang 6.7 ektarya ang aktuwal na lugar na pinagsasagawaan ng quarrying, samantalang nasa 4.99 ektarya lamang ang inaprubahang saklaw ng permit. Gayunman, ito ay isasailalim pa sa masusing technical inspection at validation upang matukoy ang eksaktong lawak ng operasyon at kung may paglabag sa itinakdang limitasyon.
