Isinagawa ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (QPDRRMC) ang dalawang araw na DRRM Rescue Simulation: Palarong Lahi sa Alcala Sports Complex sa Lucena City nitong Hulyo 7, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month 2026.
Taglay ang temang “Naghahanda at Kumikilos Tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas,” layunin ng programa na higit pang palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng kahandaan sa sakuna at mapalakas ang kakayahan ng mga responder upang makabuo ng ligtas, matatag, at panatag na mga komunidad sa lalawigan ng Quezon.
Dumalo sa pagbubukas ng aktibidad si Governor Doktora Helen Tan bilang pagpapakita ng suporta sa patuloy na pagpapahusay ng kahandaan, koordinasyon, at kakayahan ng mga rescue responders sa lalawigan.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng regular na pagsasanay at paghahanda upang maging mas epektibo ang pagtugon sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.
Pinagtipon ng dalawang araw na aktibidad ang mga kawani ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils mula sa iba’t ibang bayan ng Quezon. Lumahok ang mga ito sa serye ng rescue simulation challenges at mga palarong nakatuon sa pagsubok at pagpapalakas ng kanilang kasanayan sa emergency response, teamwork, at disaster preparedness.
Ayon sa QPDRRMC, mahalagang bahagi ng programa ang aktuwal na pagsasanay sa iba’t ibang sitwasyon ng sakuna upang masukat ang kahandaan at katatagan ng mga responder habang pinauunlad ang kanilang kakayahang magbigay ng mabilis at epektibong serbisyo sa panahon ng krisis.
Samantala, dumalo at nakiisa din sa pagbubukas ng aktibidad sina OCD Civil Defense Administrator and Executive Director of the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Undersecretary Harold Cabreros kasama si OCD CALABARZON Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III.
Source: Balitang Stan
