Isang malaking hakbang tungo sa pagsusulong ng renewable energy at sustainable development sa lalawigan ang tinalakay sa naging courtesy meeting ng mga kinatawan ng First Quezon Biogas Corporation (FQBC) at mga international green energy partners kay Governor Doktora Helen Tan noong Hulyo 7.
Pinangunahan nina FQBC President Samson De Jesus, Corporate Secretary Andy Alquiros, Consultant Jessica Salvacion, Green Energy Consulting representative Marcello Barbato, at Envitec representative Andreas Bosse ang presentasyon ng kauna-unahang biogas project sa Candelaria, Quezon. Dumalo rin sa pulong sina PG-ENRO Head at Deputy Chief of Staff John Francis Luzano, Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, at Provincial Agriculturist Dr. Ana Clarissa Mariano.
Ipakita ng FQBC ang proyekto na gumagamit ng broiler manure at iba pang agricultural residues upang makalikha ng renewable electricity at biofertilizer sa pamamagitan ng anaerobic digestion technology. Inaasahang makalilikha ang planta ng 1.4 megawatts ng renewable power, makakapagproseso ng humigit-kumulang 20,000 toneladang broiler manure kada taon, at makagagawa ng tinatayang 11 milyong kilowatt-hours ng malinis na kuryente taun-taon. Malaki rin ang inaasahang ambag nito sa pagbabawas ng methane emissions, mas maayos na pamamahala ng agricultural waste, at pagsusulong ng circular economy.
Napag-usapan din sa pulong ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at FQBC, kabilang ang pagpapabilis ng koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan, pagpapaunlad ng kinakailangang imprastraktura, pag-uugnay sa mga stakeholder ng poultry industry, at pagsusulong ng mga proyektong magdudulot ng benepisyo sa mga magsasaka, komunidad, at buong Lalawigan ng Quezon.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pagpasok ng mga makabagong pamumuhunan at makakalikasang teknolohiya bilang bahagi ng layunin nitong palawakin ang paggamit ng malinis na enerhiya, mapalakas ang sektor ng agrikultura, at makapagbigay ng mas maraming oportunidad para sa pangmatagalang kaunlaran ng bawat Quezonian.
