Bilang pakikiisa sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng makasaysayang Arbitral Award sa West Philippine Sea, nagsagawa at nakiisa ang Tactical Operations Group 4 (TOG 4) sa iba’t ibang aktibidad na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng soberanya, pandaigdigang batas, at pangangalaga sa kalikasan.

Ang Arbitral Award na inilabas noong 12 Hulyo 2016 ng Arbitral Tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay nagpapatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito. Idineklara rin ng tribunal na walang legal na batayan ang malawak na “nine-dash line” na inaangkin ng China sa West Philippine Sea.

Sa paggunita ng ika-10 anibersaryo, muling binibigyang-diin ang kahalagahan ng naturang desisyon bilang saligan ng mapayapang paglutas ng mga alitang pandagat alinsunod sa pandaigdigang batas. Layunin din nitong palawakin ang kaalaman ng publiko, itaguyod ang pagkakaisa ng sambayanan, at patatagin ang suporta sa pagtatanggol ng soberanya at mga karapatang pandagat ng Pilipinas.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, nakiisa ang TOG 4 sa Mangrove Tree Growing, Coastal Clean-Up, and Community Outreach in Support of the West Philippine Sea Advocacy na isinagawa noong 4 Hulyo 2026 sa Barangay Manggalang Quilong, Sariaya, Quezon. Ang aktibidad ay pinangunahan ng 2nd Civil Relations Group, Civil-Military Operations Command, sa ilalim ng temang “Dekada ng Batas, Hindi Dahas: A Decade of Law, Not Force,” sa pakikipagtulungan ng Realtalk Philippines, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, at Provincial Government–Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) Quezon. Tampok sa aktibidad ang pagtatanim ng mga bakawan, coastal clean-up, at community outreach bilang pagpapakita ng malasakit sa kalikasan at suporta sa adbokasiya para sa West Philippine Sea.

Samantala, noong 6 Hulyo 2026, nakiisa rin ang TOG 4 sa Flag Raising Ceremony na pinangunahan ng Southern Luzon Command at Tactical Operations Wing Southern Luzon bilang bahagi ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award. Kasama sa nasabing seremonya ang Tactical Operations Group 5 at iba pang yunit ng Philippine Air Force bilang pagpapakita ng pagkakaisa at suporta sa pagtataguyod ng pambansang soberanya at panuntunan ng pandaigdigang batas.

Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, muling ipinakita ng Tactical Operations Group 4 ang matatag nitong suporta sa mga adbokasiyang nagtataguyod ng pambansang interes, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapalakas ng kamalayang makabayan. Patuloy na isinusulong ng TOG 4 ang pagiging katuwang ng komunidad sa pagtataguyod ng edukasyon, kaayusan, at pambansang kaunlaran—isang patunay ng kanilang paninindigang “Mabilis, Mahusay at May Malasakit: Tatak TOG 4.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved