Inilatag ng 4K Party-list sa pangunguna ng kinatawan nito na si Representative Iris Montes ang mga nagawa nito sa larangan ng lehislasyon, pangangasiwa, at paghahatid ng iba’t ibang serbisyong panlipunan sa loob ng unang taon ng panunungkulan.
Sa ulat ng tanggapan ni Montes, nakapaghain siya ng 101 panukalang batas bilang principal author at 44 bilang additional author, kasama ang 26 na resolusyon, habang naging co-author naman sa kabuuang 264 panukalang batas at resolusyon. Nakamit din niya ang 100 porsiyentong attendance sa lahat ng sesyon ng Kamara, at 41 sa kanyang mga panukala ang naaprubahan sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives.
Kabilang sa mga naging mahalagang ambag ng 4K Party-list ang pagkakapasa ng Republic Act No. 12315, na nagpapalawig sa mandato ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), isang batas na naglalayong ipagpatuloy ang pagsusuri at pagpapabuti sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa unang taon ng panunungkulan, nahalal din si Montes bilang Assistant Minority Leader at naging miyembro ng 14 na komite sa Kamara. Isa rin siya sa mga itinalaga sa Sub-Committee on Universal Health Care (UHC) Act ng Committee on Health upang tumulong sa pagrepaso at pagpapaigting ng implementasyon ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act.
Ayon sa kanyang tanggapan, mahalaga ang kanyang karanasan sa pagbuo ng batas dahil dati siyang nagsilbing chief of staff ni dating Quezon 4th District Representative Doktora Helen Tan, na kinikilalang pangunahing may-akda ng UHC Act.
Sa ilalim naman ng HEELS Agenda na kumakatawan sa Health, Education, Environment, Livelihood, at Services, isinulong ng 4K Party-list ang iba’t ibang programa at proyekto para sa kababaihan, pamilya, at mga komunidad.
Mula Hulyo 1, 2025 hanggang Hulyo 1, 2026, nakapag-endorso ang tanggapan ng 2,056 benepisyaryo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health, 1,967 para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development, at 745 para sa TUPAD program ng Department of Labor and Employment.
Kabilang din sa mga ipinatupad na programa ang medical missions, feeding programs, PhilHealth registration assistance, scholarship at livelihood trainings, coastal clean-up at tree planting activities, seed capital assistance, product development para sa mga microentrepreneurs, gayundin ang relief operations, anti-violence against women and children orientations, at iba’t ibang serbisyong pangkomunidad.
Naging aktibo rin ang 4K Party-list sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DOH, PhilHealth, DSWD, DOLE, TESDA, DTI, CHED, DepEd, DOST, DA at BFAR, pati na rin sa ilang pribadong organisasyon, upang maisulong ang mga panukala at programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, kapaligiran, at serbisyong panlipunan.
Sa pahayag ng 4K Party-list, sinabi nitong ang unang taon sa Kongreso ay nagsilbing pundasyon ng patuloy na pagsusulong ng mga adbokasiya para sa kababaihan, kanilang mga pamilya, at bawat Pilipino sa pamamagitan ng mga panukalang batas at programang nakasentro sa pantay na oportunidad, proteksyon, at inklusibong kaunlaran.
