Umabot sa 114 na dayuhang turista na sakay ng MS Heritage Adventurer Cruise ang bumisita sa mga bayan ng Burdeos at Patnanungan sa Lalawigan ng Quezon noong Hunyo 30 bilang bahagi ng kanilang Call and Shore Excursion.
Sa isinagawang pagbisita, ipinakita sa mga turista ang likas na kagandahan at mga natatanging destinasyong panturismo ng Polillo Group of Islands, gayundin ang mainit na pagtanggap ng mga lokal na komunidad.
Isa sa mga pangunahing destinasyong kanilang pinuntahan ang Tinagong Pantay Cave sa bayan ng Patnanungan. Bago marating ang kuweba, naranasan ng mga dayuhang turista ang pagsakay sa habal-habal, na nagbigay sa kanila ng kakaibang karanasan patungo sa kilalang atraksyon na tanyag sa likas nitong ganda at kahanga-hangang rock formations.
Naglibot din ang mga bisita sa Anilon Island sa bayan ng Burdeos, kung saan kanilang sinubukan ang iba’t ibang aktibidad gaya ng snorkeling, kayaking, island exploration, at iba pang water activities. Humanga rin ang mga turista sa malinaw na karagatan, mayamang yamang-dagat, at payapang kapaligiran ng isla.
Pinangunahan ang matagumpay na shore excursion ng Department of Tourism Region IV-A sa pamumuno ni Regional Director Marites T. Castro, katuwang ang Provincial Tourism Office, mga lokal na pamahalaan ng Burdeos at Patnanungan, Bathaluman Travel and Tours sa pangunguna ni Michael Roxas—isa sa mga miyembro ng Quezon Province Association of Travel and Tours Agencies (QuePATTA)—at Sharp Travel Service (Phils.) Inc.
Ayon sa mga organizer, ang pagdating ng mga dayuhang turista ay nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng interes ng international cruise tourism sa mga destinasyon sa Quezon.
Patunay rin ito na unti-unting kinikilala ang lalawigan bilang isa sa mga umuusbong na pangunahing destinasyong panturismo sa bansa dahil sa taglay nitong likas na yaman, mga eco-tourism site, at natatanging karanasang iniaalok sa mga bisita.
