Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) Calabarzon laban sa dalawang driver at sa rehistradong may-ari ng delivery truck na nasangkot sa malagim na aksidente sa Brgy. Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon noong Hunyo 29, kung saan apat ang nasawi at siyam ang nasugatan.
Batay sa ulat ng pulisya, ang Isuzu Giga Wing Van ay minamaneho umano ng helper matapos ipagkatiwala sa kanya ng nakatalagang driver upang makapagpahinga. Habang binabagtas ang Maharlika Highway, nakatulog umano ang helper dahilan upang mawalan ng kontrol sa sasakyan, mabangga ang ilang sasakyan, at tuluyang araruhin ang lamay na nasa gilid ng kalsada.
Sa isinagawang beripikasyon ng LTO, napag-alamang ang helper ay may driver’s license lamang para sa motorsiklo at walang kaukulang lisensya upang magmaneho ng isang heavy truck.
Bilang paunang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, pansamantalang sinuspinde ng LTO Calabarzon sa loob ng 90 araw ang driver’s licenses ng dalawang respondent. Inilagay rin sa alarm status ang delivery truck upang hindi ito magamit o maisailalim sa anumang transaksyon nang walang pahintulot ng ahensya.
Ayon kay LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, hindi palalampasin ng ahensya ang anumang paglabag na naglalagay sa panganib sa buhay ng publiko.
Sinabi ni Decena na ang trahedya ay nagsisilbing paalala sa lahat ng motorista na hindi dapat isinasantabi ang responsibilidad sa pagmamaneho at ang mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon. Tiniyak din niyang sasailalim sa kaukulang administrative proceedings ang mga mapatutunayang lumabag at pananagutin alinsunod sa batas.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang LTO sa Philippine National Police at iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak ang mabilis, patas, at komprehensibong imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa LTO, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan para sa mas ligtas na lansangan at alinsunod sa direktiba ng administrasyon na mahigpit na ipatupad ang mga batas sa kalsada at panagutin ang mga lumalabag.
