Muling pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang kampanya nito laban sa iligal na droga matapos magsagawa sa ikalawang pagkakataon ng sorpresang drug testing para sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagpapanatili ng isang drug-free workplace.

Personal na pinangunahan ni Mayor L.A. Ruanto ang mahigit 600 opisyal at empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta na sumailalim sa drug testing na isinagawa sa pangangasiwa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Hulyo 6, 2026.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng hakbang na matiyak na ang lahat ng kawani ng munisipyo ay nananatiling malaya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at patuloy na makapaghatid ng tapat, mahusay, at responsableng serbisyo publiko.

Ang isinagawang sorpresang drug testing ay bahagi ng implementasyon ng Executive Order No. 10, Series of 2025, na nilagdaan ni Mayor Ruanto at nagdedeklara sa LGU Infanta bilang isang drug-free workplace. Nakapaloob din sa kautusan ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang ligtas, maayos, at produktibong kapaligiran sa loob ng pamahalaang lokal, alinsunod sa pambansang kampanya laban sa iligal na droga.

Binigyang-diin ng pamahalaang bayan na ang ganitong mga inisyatiba ay nagpapakita ng seryosong pagtupad ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng disiplina, integridad, at pananagutan sa hanay ng mga lingkod-bayan.

Patuloy namang hinihikayat ng LGU Infanta ang lahat ng kawani na suportahan ang mga programang naglalayong mapanatili ang isang ligtas, maayos, at drug-free na lugar ng trabaho para sa kapakanan ng buong pamayanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved