Dalawang establisimyento ang ipinasara ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta sa pagpapatuloy ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga lugar na pinaniniwalaang ginagamit bilang kanlungan ng prostitusyon, alinsunod sa direktiba ni Mayor L.A. Ruanto na higpitan ang pagpapatupad ng batas at mga lokal na ordinansa sa bayan.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:00 ng gabi noong Hulyo 16, nagsagawa ng inspeksyon at pagpapatupad ng closure order ang Municipal Administrator na si Atty. Rinchelle E. Aurellana at ang Business Permits and Licensing Section (BPLS) sa pamumuno ni Ronald Resplandor, sa tulong ng mga tauhan ng Infanta Municipal Police Station (MPS) na pinamumunuan ni PMAJ Fernando L. Credo, Acting Chief of Police at ng Infanta Task Force Disiplina.
Bunga ng operasyon, ipinasara ang Blue Moon Bar sa Barangay Ingas at ICEE’s Restobar and Videoke sa Barangay Dinahican matapos mapatunayang nagpapatakbo ng negosyo nang walang kaukulang business permit, na paglabag sa lokal na revenue code ng bayan.
Samantala, sa isinagawang inspeksyon ay napag-alamang may balidong business permit ang ROJ Bar sa Barangay Ingas, habang tumigil na sa operasyon ang Hotlips Bar habang hinihintay ang pag-apruba ng aplikasyon nito para sa business permit.
Patuloy namang nananawagan ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga negosyo na sumunod sa umiiral na mga batas at lokal na ordinansa bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at kapakanan ng komunidad. (Reygan Mantilla)
