Isang malaking karangalan para sa bayan ng Infanta ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr. bilang bagong Kalihim ng Department of Health (DOH).

Ipinagdiwang ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta, sa pamumuno ni Mayor L.A. Ruanto, ang makasaysayang pagkakatalaga sa isang anak ng Infanta na inaasahang mangunguna sa pagpapatibay ng mga programang pangkalusugan sa bansa.

Pinalitan ni Pujalte si dating Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, na nagbitiw sa puwesto dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan matapos ang kanyang operasyon sa tuhod at kinakailangang rehabilitasyon. Ang kanyang pagkatalaga ay agad na kinumpirma ng Malacañang nitong Lunes.

Sa isang mensahe, nagpahayag ng taos-pusong pagbati ang Lokal na Pamahalaan ng Infanta at ang mga mamamayang Infantahin kay Dr. Pujalte, na kinikilalang isang “Dugong Infantahin.” Ipinahayag nila ang kanilang buong suporta at pagmamalaki sa bagong lider ng DOH, na inaasahang magsusulong ng mas mahusay at mas inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.

Bago italaga bilang kalihim ng DOH, nagsilbi si Dr. Pujalte bilang Medical Center Chief ng Philippine Orthopedic Center. Isa siyang beteranong orthopedic surgeon at matagal nang lingkod ng sektor ng kalusugan, na may mahigit tatlong dekadang karanasan sa pampublikong serbisyo.

Ang pagkakahirang kay Dr. Pujalte ay inaasahang magbibigay ng panibagong direksiyon sa Department of Health habang ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapalawak ng access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan at pagpapalakas ng mga programang medikal sa buong bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved