Muling nagsagawa ng briefing ang House Committee on Agriculture and Food kasama ang Task Force El Niño upang ipagpatuloy ang pagtalakay sa kahandaan ng pamahalaan laban sa inaasahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.

Pinangunahan ang pagdinig ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st District Congressman Mark Enverga, kasama si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Sa naturang pagpupulong, inimbitahan ang National Irrigation Administration (NIA) upang magbigay ng ulat hinggil sa mga lugar na posibleng pinakamalubhang maapektuhan ng tagtuyot, mga agarang hakbang na isinasagawa ng ahensya, at mga pangmatagalang programa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng irigasyon sa mga sakahan.

Hiniling din sa mga miyembro ng Task Force El Niño na magsumite ng update sa kani-kanilang risk assessment at contingency plans upang matiyak ang maayos na koordinasyon at magkakaugnay na pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng El Niño.

Ayon kay Cong. Enverga, hindi responsibilidad ng iisang ahensya ang pagtugon sa El Niño kundi kinakailangan ang sama-samang pagkilos ng buong pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka, mapanatili ang sapat na produksyon ng pagkain, at matiyak ang food security ng bansa.

“Patuloy nating gagampanan ang ating tungkulin sa Kongreso upang matiyak na ang mga ahensyang nasa unahan ng laban kontra El Niño ay may sapat na suporta at mga kinakailangang kagamitan upang mapangalagaan ang kapakanan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Enverga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved