“May pondo, pero bakit hindi ito nararamdaman sa mga lokal na pamahalaan?”
Ito ang mariing tanong ni Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education sa pangunguna ni Senador Bam Aquino nitong Huwebes, Hulyo 23,2026.
Sa nasabing committee hearing, sinabi ni Ruanto na 74 makeshift classrooms o tinatawag na “banlat” ang ginagamit pa rin sa 22 pampublikong paaralan sa Infanta, bukod pa sa mga gusaling paaralan na idineklarang delikado o nakatakdang ipa-condemn dahil sa problema sa kaligtasan.
“May pondo, pero bakit hindi ito nararamdaman sa mga lokal na pamahalaan?” tanong ng alkalde habang inilalahad ang kalagayan ng mga estudyanteng patuloy na nag-aaral sa pansamantalang silid-aralan na hindi umano sapat ang proteksyon laban sa init at ulan.
Ayon kay Ruanto, may mga mag-aaral na napipilitang gumamit ng payong sa loob mismo ng classroom kapag umuulan, habang ang ilan namang klase ay hinahati gamit ang plywood partitions upang magkasya ang dalawang pangkat ng estudyante sa iisang silid.
“It really breaks my heart dahil alam kong may pondo,” pahayag ng alkalde, habang ibinahagi niyang ilang ulit na niyang binisita ang mga naturang silid-aralan at paulit-ulit na naririnig ang tanong ng mga guro at magulang kung kailan ito maaayos.
Sinabi ni Ruanto na limitado ang kakayahan ng lokal na pamahalaan dahil ang kanilang Special Education Fund (SEF) na humigit-kumulang P4 milyon ay hindi sapat upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa imprastraktura ng edukasyon.
Pinalala pa umano ng matinding init at mga pag-ulan ang sitwasyon. Nitong mga nakaraang linggo, umabot sa mataas na antas ang heat index sa lugar, habang nagkaroon din ng kanselasyon ng klase dahil sa brownout. Dahil yari sa yero ang ilang bahagi ng mga pansamantalang silid-aralan, mas nararamdaman umano ng mga estudyante ang tindi ng init sa loob ng klase.
Nanawagan ang alkalde sa agarang pagpapatupad ng P67 bilyong pondo para sa target na pagtatayo ng 25,000 bagong silid-aralan ngayong taon upang matugunan ang kakulangan ng classroom sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa kung saan sa bayan ng Infanta ay mahigit 100 classroom ang backlog, bukod pa sa mga silid-aralang condemned o dapat nang gibain dahil sa panganib na dulot ng kanilang kalagayan.
Sa kabila ng usad-pagong na proseso ng konstruksyon, sinabi ni Ruanto na hindi lamang sila umasa sa tulong ng pambansang pamahalaan. Sa kanyang inisyatibo, nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga pribadong kumpanya at organisasyon sa pamamagitan ng kanilang Adopt-a-Classroom Program upang makatulong sa pagtatayo at rehabilitasyon ng mga silid-aralan.
“Pinagmamalaki natin na ngayon ang may pinakamataas na budget. Pero bakit hindi namin maramdaman sa local government?” ani Ruanto, na iginiit na kailangan ng agarang aksyon dahil “every day is a struggle” para sa mga guro at mag-aaral na apektado ng kakulangan sa pasilidad.
Samantala, sinuri ng Senate Committee on Basic Education ang mabagal na implementasyon ng pondo para sa classroom construction at nanawagan ng mas mabilis na pagkilos upang matugunan ang patuloy na kakulangan ng silid-aralan sa buong bansa. (-Michelle Zoleta, Reygan Mantilla)
