Mas marami nang Quezonian ang makakakuha ng kinakailangang gamot sa mas malapit na botika matapos palawakin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang saklaw ng Kalinga ng Kapitolyo para sa Quezonians Program.
Sa ilalim ng programa, maaari nang gamitin ang Guarantee Letter (GL) sa 40 accredited pharmacies na matatagpuan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan, na magbibigay ng mas mabilis at mas maginhawang access sa mga iniresetang gamot.
Kabilang sa mga tumatanggap ng Guarantee Letter ang 21 sangay ng Carlos SuperDrug, 7 sangay ng Generika Drugstore, 6 sangay ng The Generics Pharmacy (TGP), at 6 pang pribadong botika sa iba’t ibang bahagi ng Quezon.
Sa ilalim ng pinalawak na programa, maaaring gamitin ang GL sa mga Carlos SuperDrug branches sa Agdangan, Atimonan, Candelaria, Calauag, Catanauan, Guinayangan, Gumaca, Infanta, Lucban, Lucena City, Mauban, Mulanay, Pagbilao, Real, Sariaya, San Narciso, San Francisco, Tayabas City, Tagkawayan, at Unisan.
Samantala, kabilang naman sa mga Generika Drugstore branches na tumatanggap ng GL ang Mauban, Gumaca, Lopez, Lucena City, Sariaya, Candelaria, at Tiaong. Maaari ring gamitin ang Guarantee Letter sa mga sangay ng The Generics Pharmacy (TGP) sa San Francisco, San Andres, Guinayangan, Catanauan, Mulanay, at San Narciso.
Kasama rin sa mga accredited pharmacies ang Century Drug sa Atimonan, RF Velarde Pharmacy at Bri Yna Pharmacy sa San Francisco, Winjoy Drug & Cosmetics sa Lopez, at Townmed Pharmacy sa Mauban at Sampaloc.
Para naman sa mga Quezonian na mayroon nang reseta mula sa kanilang doktor at nais humingi ng Guarantee Letter, maaari silang magtungo sa Satellite Office ng kanilang bayan upang magsumite ng kanilang request at masimulan ang proseso ng pag-avail ng tulong para sa kanilang mga gamot.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, layunin ng pagpapalawak ng network ng mga accredited pharmacies na mailapit ang serbisyong medikal sa mas maraming residente at mabawasan ang hirap sa paghahanap ng botikang tumatanggap ng Guarantee Letter.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, ang mga programang pangkalusugan upang matiyak na mas maraming Quezonian ang magkakaroon ng pantay at madaling access sa mga gamot at iba pang serbisyong medikal sa ilalim ng Kalinga ng Kapitolyo para sa Quezonians Program.
