Mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga Quezonian ang target na maihatid ng Pamahalaang Panlalawigan matapos personal na makipagpulong si Governor Doktora Helen Tan kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis “Tol” Tolentino nitong Huwebes, Hulyo 30, upang talakayin ang pagpapalawak ng mga programang pang-empleyo at pangkabuhayan sa lalawigan.
Ang hakbang ay kasabay ng pinaigting na pagtutok ng DOLE sa employment facilitation, livelihood assistance, at pagpapalawak ng access sa disenteng trabaho sa ilalim ng bagong pamunuan ng ahensya.
Sa pulong, binigyang-diin ang pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at ng DOLE upang mapalawak ang akses ng mga mamamayan sa mga programang naglalayong makalikha ng trabaho, suportahan ang mga naghahanapbuhay, at magbigay ng iba pang serbisyong makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng bawat Quezonian.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, layunin ng naturang koordinasyon na makapaghatid ng mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa, job seekers, micro at maliliit na negosyante, at iba pang sektor na nangangailangan ng suporta upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Kabilang sa mga pangunahing programa ng DOLE ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Government Internship Program (GIP), JobStart Philippines, at iba pang employment facilitation initiatives na naglalayong palakasin ang hanapbuhay at kakayahan ng mga Pilipinong manggagawa.
Ayon pa sa Pamahalaang Panlalawigan, patuloy nitong isinusulong ang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya upang mas mailapit sa mga Quezonian ang mga programang may direktang pakinabang sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Ipinakita rin ng pagpupulong ang patuloy na layunin ng lalawigan na palawakin ang mga oportunidad sa disenteng trabaho at kabuhayan bilang bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaang panlalawigan para sa inklusibong pag-unlad at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Quezonian.
