Pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang provincial launching ng Ligtas Tigdas – Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MR-SIA na isinagawa nitong Agosto 10, Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena.
Pinangunahan naman ng Provincial Health Office ang pagpapatupad ng programa na naglalayong dagdagan ang proteksiyon ng mga bata laban sa tigdas at rubella.
Simula Agosto 10 hanggang 28, 2026, maaaring mabigyan ng libreng measles-rubella vaccine ang mga batang 6 hanggang 59 buwan ang edad bilang bahagi ng supplemental immunization campaign ng Department of Health.
Ayon sa DOH, layunin ng MR-SIA na mapataas ang immunization coverage, mapunan ang mga kakulangan sa pagbabakuna at makatulong na maiwasan ang pagkalat o pagsiklab ng tigdas at rubella.
Hinikayat naman ang mga magulang at tagapag-alaga na dalhin ang kanilang mga kwalipikadong anak sa pinakamalapit na health center o vaccination site upang makakuha ng karagdagang proteksiyon laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Sa pamamagitan ng Ligtas Tigdas, layunin ng mga health authorities na walang batang Quezonian ang maiiwang hindi protektado laban sa tigdas at rubella.
