Patuloy na pinaiigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na mas maraming Quezonian ang mabibigyan ng access sa mga serbisyo, oportunidad, at programang makatutulong sa kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, personal na nagtungo si Governor Doktora Helen Tan, kasama si Livelihood and Enterprise Unit Head Lawrence Joseph Velasco, sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Huwebes, Agosto 27, para sa isang pagpupulong kay TESDA Secretary Kiko Benitez.
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga posibleng programa at proyekto para sa skills training, livelihood, at enterprise development na maaaring maiangkop sa pangangailangan ng mga Quezonian.
Layunin ng inisyatiba na higit pang mapalawak ang access ng mga mamamayan sa mga oportunidad na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang kasanayan, pagkakaroon ng hanapbuhay, at pagtatayo o pagpapalago ng sariling kabuhayan.
Inaasahang magsisilbi rin itong daan para sa mas matibay na pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at TESDA sa paghahatid ng mga programang pangkabuhayan na direktang makikinabang ang mga manggagawa, job seekers, at mga nagnanais na magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan sa lalawigan.
Patuloy naman ang pamahalaang panlalawigan sa paghahanap ng mga katuwang na ahensya at institusyon upang makapaghatid ng mas maraming oportunidad para sa pag-unlad at mas maayos na pamumuhay ng bawat Quezonian.
