Itinurn-over ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 30 Unified 911 emergency response motorcycles sa Quezon Police Provincial Office (QPPO) upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency at insidente ng public safety sa lalawigan.
Pinangunahan ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang blessing at turnover ceremony sa Camp BGen. Guillermo P. Nakar sa Lucena City, kasama ang mga opisyal ng PNP at pamahalaang panlalawigan nitong Oktobre 7, 2026.
Ayon kay Remulla, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na mobility ng mga pulis dahil mas mabilis silang makararating sa lugar ng insidente gamit ang motorsiklo, lalo na sa mga lugar na mahirap pasukin ng malalaking sasakyan.
Sinabi ng kalihim na bahagi ito ng patuloy na pamumuhunan ng DILG sa PNP upang matiyak na hindi na kakailanganing gumamit ng tricycle o iba pang alternatibong sasakyan ang mga pulis kapag may agarang pagtugon sa krimen o emergency.
Iginiit din ni Remulla ang kahalagahan ng Unified 911, na aniya ay dapat higit pang ipakilala at gamitin ng publiko bilang iisang emergency hotline sa buong bansa.
Sa mensahe naman ni Governor Doktora Helen Tan, sinabi niyang malaking tulong ang mga bagong motorsiklo dahil kabilang sa mga nakikitang kakulangan sa mga pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council ang mga sasakyan, maintenance at gasolina ng mga law enforcement unit.
Inihayag din ni Tan na naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng pondo para sa pagbili ng 41 sasakyan, tig-iisa para sa bawat munisipalidad ng Quezon, bilang suporta sa peace and order efforts. Siyam na rito ang kasalukuyang nasa proseso ng procurement.
Bukod sa QPPO, sinabi ng gobernador na patuloy ding binibigyang-prayoridad ng lalawigan ang suporta sa iba pang law enforcement agencies gaya ng PDEA, SOCO, HPG at Army.
Binigyang-diin naman ni Remulla na hindi lamang PNP ang dapat kumilos sa public safety kundi kailangang magtulungan ang PNP, Bureau of Fire Protection, Coast Guard, LGUs at iba pang ahensya.
Kasabay nito, ibinahagi ng kalihim ang mga hakbang ng DILG para mapalakas pa ang emergency at disaster response, kabilang ang planong pagbili ng 1,500 fire trucks sa 2027 at paggamit ng high-functioning drones bilang karagdagang surveillance at response capability.
Hinimok din niya ang mga Quezonian na gamitin ang Unified 911 sa oras ng emergency, dahil idinisenyo umano itong magbigay ng mas mabilis at mas angkop na tugon saanmang bahagi ng bansa tumawag ang isang mamamayan.
