Tinalakay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga posibleng solusyon sa mababang presyo ng buhay na baboy at epekto ng pagdami ng imported pork sa kabuhayan ng mga lokal na magbababoy sa isinagawang Swine Stakeholders Consultative Meeting nitong Oktubre 9, 2026, sa Cultural Arts Center o Bulwagang Kalilayan sa Lungsod ng Lucena.

Pinangunahan ng Office of the Provincial Veterinarian ang konsultasyon na naglalayong matukoy ang mga dahilan ng pagbaba ng presyo ng liveweight na baboy, makabuo ng agarang hakbang upang mabawasan ang pagkalugi ng mga hog raiser, at matukoy ang mga pangmatagalang solusyon para sa industriya.

Dumalo sa pagpupulong sina Governor Doktora Helen Tan, Vice Governor Third Alcala, Deputy Chief of Staff John Francis Luzano, at Provincial Veterinarian Dr. Flomella A. Caguicla, kasama ang mga kinatawan ng mga kaugnay na tanggapan at ahensiya ng pamahalaan at mga stakeholder sa industriya ng pagbababuyan.

Sa kanyang presentasyon, inilatag ni Caguicla ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng pagbababuyan sa lalawigan, habang tinalakay naman ng mga kinatawan ng mga ahensiya sa rehiyon at pambansang pamahalaan ang mga usaping may kaugnayan sa sektor.

Nagsagawa rin ng open forum upang maipahayag ng mga magbababoy ang kanilang mga hinaing at mungkahi, gayundin ang mga posibleng hakbang upang matugunan ang mga suliraning kanilang kinakaharap.

Isa sa mga pangunahing usapin ang Executive Order No. 116, Series of 2026, na nagtaas sa Minimum Access Volume (MAV) ng imported pork mula 54,210 metric tons tungo sa 204,210 metric tons para sa taong 2026.

Ipinahayag ng mga kinatawan ng sektor ang kanilang pangamba na maaaring higit pang maapektuhan ng pagdami ng inaangkat na karne ng baboy ang presyo ng lokal na produkto at ang kita ng mga lokal na magbababoy, partikular ang mga maliliit na hog raiser.

Binigyang-diin sa konsultasyon ang pangangailangang palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga stakeholder upang makabuo ng mga hakbang na magbabalanse sa sapat na suplay ng karne, kapakanan ng mga mamimili, at proteksiyon sa kabuhayan ng mga lokal na magbababoy.

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, patuloy na isinusulong ng ProVet ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya at sektor upang maiparating ang mga rekomendasyon ng mga hog raiser at makahanap ng mga konkretong solusyon para sa katatagan ng industriya.

Mahalaga ang pagpapanatili ng matatag na industriya ng pagbababuyan hindi lamang sa kabuhayan ng mga magbababoy kundi maging sa seguridad sa pagkain at ekonomiya ng lalawigan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved