Muling kinilala ang lokal na pamahalaan ng Infanta bilang Green Banner Seal of Compliance Awardee dahil sa patuloy na pagsusulong ng mga epektibong programa sa nutrisyon at mga hakbang upang labanan ang malnutrisyon sa komunidad.

Itinuturing na mahalagang pagkilala sa mga lokal na pamahalaan ang parangal na ito na iginagawad sa pamamagitan ng mga kinauukulang konseho sa nutrisyon sa pambansa at panrehiyong antas, bilang pagkilala sa maayos na pagpapatupad ng mga programa para sa kalusugan at nutrisyon ng mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Mayor L.A. Ruanto ang sama-samang pagsisikap ng Municipal Nutrition Action Officer (MNAO), mga opisyal ng barangay, Barangay Nutrition Scholars (BNS), Municipal Health Office (MHO), Barangay Health Workers (BHW), Municipal Nutrition Council at mga katuwang mula sa iba’t ibang sektor na naging bahagi ng pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon.

Nagsilbi rin umanong inspirasyon ang mga programa at tagumpay ni Governor Doktora Helen Tan at ng Provincial Nutrition Action Office (PNAO), katuwang ang suporta ni Quezon 1st District Congressman Mark Enverga.

Kasabay ng pagtanggap sa parangal, ipinagmalaki rin ni Mayor Ruanto ang pagdating ng bagong mobile kitchen sa Infanta na gagamitin sa paghahatid ng libreng masustansiyang pagkain sa iba’t ibang barangay.

Sa pagtutulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), Municipal Development Council (MDC) at MNAO, inaasahang mas mapalalawak ang serbisyong pangnutrisyon, lalo na para sa mga mamamayang nangangailangan ng karagdagang suporta sa pagkain.

Samantala, isinagawa na rin aniya ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Nutribun Facility na inaasahang magiging mahalagang bahagi ng programa ng bayan upang makapaghatid ng masustansiyang tinapay sa mga paaralan pagsapit ng susunod na taon.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng pamahalaang bayan ng Infanta sa pamumuno ni Mayor Ruanto na higit pang mapatatag ang mga hakbang laban sa malnutrisyon at matiyak ang mas malusog, ligtas at masaganang pamayanan para sa mga Infantahin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved