Dumating na ang bagong crawler backhoe na binili ng Pamahalaang Lungsod ng Tayabas upang palakasin ang operasyon ng sanitary landfill sa Barangay Pandakaki sa naturang lungsod.
Idaragdag ang bagong heavy equipment sa mga makinaryang nakatalaga sa Ecological Solid Waste Management Unit ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa mas maayos at episyenteng pamamahala ng mga solid waste sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, napapanahon ang pagdating ng crawler backhoe kasabay ng pagbubukas ng mga bagong cell sa sanitary landfill, bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng basurang maipon dahil sa patuloy na urbanisasyon at pag-unlad ng Tayabas City.
Kabilang sa mga inaasahang makadaragdag sa aktibidad ng lungsod ang nalalapit na pagbubukas ng mga bagong komersiyal na establisimyento, kabilang ang isang mall, na maaaring magdulot ng pagtaas sa dami ng solid waste na kailangang pangasiwaan.
Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga makinarya at kagamitan, layon ng pamahalaang lungsod na higit pang mapahusay ang kakayahan nitong tugunan ang mga pangangailangan sa pangongolekta at pamamahala ng basura, gayundin ang mapanatili ang maayos at malinis na kapaligiran.
