Patuloy na pinaiigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon katuwang ang pitong lokal na pamahalaan, ang pagbabantay laban sa posibleng pagkalat ng Avian Influenza o bird flu sa mga poultry farm sa lalawigan.

Muling isinagawa ang regular na avian influenza surveillance sa mga small-hold at backyard poultry farm sa mga bayan ng Candelaria, San Antonio, Tiaong, Sariaya, Lucban, Pagbilao, at Sampaloc bilang bahagi ng patuloy na hakbang para sa pag-iwas, pagmamanman, at maagap na pagtugon sa posibleng paglitaw ng naturang sakit.

Ayon sa Office of the Provincial Veterinarian (OPV), umabot sa 1,328 samples ang nakolekta mula sa 36 na backyard poultry raisers sa iba’t ibang barangay na sakop ng pitong bayan.

Layunin ng regular na surveillance na masubaybayan ang kalagayan ng mga alagang manok at iba pang poultry sa lalawigan, gayundin ang matukoy agad kung may posibleng presensya ng Avian Influenza virus.

Ayon pa sa OPV, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagmamanman upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga alagang hayop, maprotektahan ang kabuhayan ng mga poultry raiser, at maiwasan ang posibleng epekto ng sakit sa sektor ng paghahayupan.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, mga lokal na pamahalaan, at mga poultry farmer, patuloy na isinusulong ang mas maayos na biosecurity at pagbabantay upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng poultry population sa lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved