Animnapung (60) benepisyaryo ng programang STAN on Skills sa bayan ng Guinayangan ang tumanggap ng mga toolkit na inaasahang makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang kasanayan at paglikha ng dagdag na pagkakakitaan.
Isinagawa ang pamamahagi ng mga kagamitan noong Oktubre 17 sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, kasama si Vice Governor Third Alcala, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga programang pangkabuhayan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga sumailalim sa pagsasanay sa Food Processing, Cake Making, at Fish Processing, na naglalayong magbigay sa kanila ng kaalaman at praktikal na kasanayan na maaari nilang gamitin sa pagsisimula o pagpapalawak ng sariling pagkakakitaan.
Inaasahang magsisilbing karagdagang suporta ang mga ipinamahaging kagamitan upang maisabuhay ng mga benepisyaryo ang kanilang mga natutuhan sa paggawa ng mga pastry gaya ng cake, pagproseso ng isda, at iba pang produktong pagkain na maaaring ibenta sa kanilang mga komunidad.
Sa pamamagitan ng programang STAN on Skills, patuloy na pinaiigting ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagbibigay ng oportunidad sa mga Quezonian, partikular sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta, upang mapaunlad ang kanilang kakayahan at magkaroon ng mas matatag at sustenableng kabuhayan.
