Pinalalawak ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta sa pamumuno ni Mayor L.A. RUANTO ang paggamit ng teknolohiya sa edukasyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng 100 learning tablets at mga lisensiya para sa Artificial Intelligence Learning Management System (AI LMS) sa Magsaysay Elementary School sa ilalim ng Lingap-Aral Program nitong Oktubre 13, 2026.
Isinagawa ang inisyatiba sa pakikipagtulungan ng Think TanQ, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ms. Annaleah Tanquintic, upang maisulong ang makabagong pamamaraan ng pagkatuto at mabigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak na oportunidad na makamit ang de-kalidad na edukasyon.
Sa pamamagitan ng mga learning tablet at AI LMS, layunin ng programa na mapalawak ang access ng mga mag-aaral sa mga digital learning resource at makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang kaalaman gamit ang makabagong teknolohiya.
Bukod sa tulong pang-edukasyon, personal ding namahagi si Mayor Ruanto ng mga payong sa mga mag-aaral sa ilalim ng Sariling Sikap Program bilang dagdag na suporta at pagpapakita ng malasakit sa kanilang kapakanan.
Kasabay nito, pinangunahan din ang groundbreaking ceremony para sa itatayong waiting shed sa paaralan bilang tugon sa kahilingan ng mga magulang at guro kung saan ang pondo para sa proyektong ito ay magmumula rin sa Sariling Sikap Program ni Ruanto.
Inaasahang magsisilbing maayos na hintayan at masisilungan ang pasilidad para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang laban sa matinding sikat ng araw at pag-ulan.
Sa pangunguna ni Ruanto, patuloy na isinusulong ng pamahalaang bayan ang mga programang naglalayong mapahusay ang kalidad ng edukasyon at matugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan at ng komunidad.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, inaasahang mas mapagtitibay ang suporta sa mga mag-aaral, hindi lamang sa aspeto ng pagkatuto kundi maging sa kanilang kaligtasan at kaginhawahan sa loob ng paaralan.
