Mas pinatatatag ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang kahandaan nito sa panahon ng kalamidad at pagsusulong ng nutrisyon matapos nitong tanggapin ang isang brand-new mobile kitchen na nagkakahalaga ng ₱2.2 milyon.
Pinangunahan nina Vice Mayor Mannie America at Municipal Local Disaster Risk Reduction and Management Officer Ron Crisostomo ang turnover ceremony, training, at demonstration ng nasabing mobile kitchen sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ang bagong customized vehicle ay magsisilbing food truck at mobile kitchen na magagamit sa paghahanda at paghahatid ng mainit na pagkain sa mga residenteng maaapektuhan ng mga kalamidad at iba pang emergency sa bayan.
Kasabay ng turnover ay isinagawa rin ang equipment orientation at operational training upang matiyak ang wasto at ligtas na paggamit ng mga kagamitan nito.
Kabilang sa mga tinalakay at isinagawang pagsasanay ang tamang pagpapatakbo ng kagamitan, mga pag-iingat sa kaligtasan, paghahanda ng pagkain, ligtas na paghawak at sanitasyon ng pagkain, paglilinis, at basic maintenance ng mobile kitchen.
Bukod sa disaster response operations, inaasahan ding makatutulong ang Mobile Kusina sa mga programang pangnutrisyon ng lokal na pamahalaan, kabilang ang mga feeding activity sa mga paaralan.
Sa pamamagitan nito, mapalalawak ang paggamit sa pasilidad hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi maging sa mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng mga mamamayan.
Bahagi ang proyektong ito ng patuloy na pagsusulong ng administrasyon ni Mayor L.A. Ruanto na mailapit ang mga serbisyong pampamahalaan sa bawat Infantahin, mapalakas ang kakayahan ng bayan na tumugon sa mga emergency, at higit pang mapahusay ang mga programang pangnutrisyon sa komunidad.
