Mga magsasaka ang kinilala ni Governor Doktora Helen Tan bilang pangunahing susi sa tagumpay ng industriya ng kape at kakaw sa kabila ng mga tulong pinansyal, kagamitan at iba pang interbensiyong ipinagkakaloob ng pamahalaan.
“Marami na tayong interventions na ibinigay, support sa financial or inputs… But basically ang susi sa tagumpay na ito ay ating mga magsasaka,” ani Governor Tan sa ikalawang araw ng Quezon Coffee and Cacao Summit 2026 na ginanap noong Oktubre 23 sa Quezon Convention Center sa Lucena City
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka at Agricultural Extension Workers (AEWs) upang higit na mapaunlad ang produktibidad at kalidad ng mga produktong agrikultural sa lalawigan.
Tampok sa aktibidad ang kauna-unahang Agriculture Extension Workers Forum na pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist sa ilalim ni Dr. Ana Clarissa Mariano.
Kasabay nito ang unveiling ng D’Aroma Coffee Processing Facility sa Dolores at paggawad ng mga sertipiko para sa mechanical cacao dryer, fermentation facility at bean trading assistance sa SICAP Quezon Agriculture Cooperative.
Tinalakay rin sa forum ang climate outlook, climate-resilient agriculture, pagkontrol sa mga peste at sakit ng pananim, at mga estratehiya sa domestic quarantine.
Nagsagawa rin ng public cupping sa pangunguna ng National Coffee Research and Extension Center upang maipakita ang pagsusuri at pagpapahalaga sa kalidad ng kape.
Sa pamamagitan ng mga programa at pagsasanay, layon ng pamahalaang panlalawigan na higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga manggagawa sa agrikultura at suportahan ang mga magsasaka tungo sa isang produktibo, matatag at sustenableng industriya ng kape at kakaw sa Quezon.
