Pinalalawak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga hakbang upang mailapit ang dekalidad at tuloy-tuloy na speech-language therapy services sa mga batang may developmental at communication difficulties, gayundin sa mga matatandang may problema sa pagsasalita at paglunok.
Ito ang naging sentro ng pagpupulong nina Governor Doktora Helen Tan at mga kinatawan ng Professional Regulation Commission (PRC), Professional Regulatory Board (PRB) of Speech-Language Pathology, Philippine Association of Speech-Language Pathologists (PASP), at SLP Quezon noong Oktubre 19, 2026, sa Governor’s Conference Room sa Capitol Building.
Tinalakay sa pulong ang mga hamon sa pagkakaroon ng sapat at abot-kayang serbisyong therapy, kabilang ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na rehabilitasyon ng mga batang nakatanggap ng paunang serbisyo sa ilalim ng DARE for Children with Disabilities (CAREvan) noong Mayo 15, 2026. Sa naturang programa, 70 batang may kapansanan mula sa iba’t ibang bayan sa Quezon ang nabigyan ng developmental assessment at iba pang paunang serbisyo.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mga kwalipikado at rehistradong speech-language pathologist upang matiyak na ligtas, angkop, at dekalidad ang serbisyong matatanggap ng mga pasyente.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang SLP community kay Tan bilang isa sa mga pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11249 o Speech-Language Pathology Act, na nagtatakda ng regulasyon sa propesyon ng mga speech-language pathologist sa bansa.
Dumalo sa pagpupulong sina PRB of Speech-Language Pathology Chairperson Hon. Mae Catherine S. Sadicon, PASP President Dr. Ferdiliza Dandah S. Garcia, at iba pang kinatawan ng PRC, PRB, at SLP Quezon. Kasama rin ng gobernador sina Deputy Chief of Staff John Francis Luzano at PGADH/Acting PSWDO Norliza L. Labitigan.
Inaasahang magsisilbing panimula ang pagpupulong sa mas pinaigting na koordinasyon at pagtutulungan ng mga kinauukulang tanggapan at organisasyon upang matiyak na mas maraming Quezonian ang makakakuha ng kinakailangang speech-language therapy at rehabilitasyon.
