Nagsagawa ng isang consultative meeting ang Sangguniang Bayan ng Pagbilao noong  Marso 23, 2026 sa pangunguna ni Committee on Environment Chairperson Coun. Celedenio “Deony” C. Dapla, kung saan pinagtibay ang pangangailangan ng masusing pagtalakay sa mga isyung pangkalikasan at kaunlaran sa bayan.

Dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at stakeholders ang pulong upang pag-usapan ang mahahalagang usapin tulad ng leveling at quarrying operations, pagsunod sa Environmental Compliance Certificates (ECC), mga permit at clearance, pananagutan ng mga operator, at ang status ng land reclassification para sa mga proyektong solar.

Ayon kay Dapla, isinagawa ang pagpupulong bilang tugon sa mga obserbasyon at pangamba hinggil sa posibleng epekto ng patuloy na pagdami ng mga proyekto sa kalikasan at kaligtasan ng mamamayan.

Aniya, bagamat mahalaga ang pagpasok ng mga mamumuhunan, dapat tiyakin na hindi nito mailalagay sa panganib ang kapaligiran.

“Hindi po natin layunin na hadlangan ang kaunlaran, kundi tiyakin na ito ay naaayon sa batas at hindi makapipinsala sa ating kalikasan at mamamayan,” pahayag ni Dapla, na may mahigit limang dekadang karanasan sa pangangalaga ng kalikasan.

Ibinahagi rin niya ang kanyang pagkabahala sa umano’y lumalalang kondisyon ng kapaligiran sa ilang bahagi ng bayan, kabilang ang malalalim na paghuhukay at patuloy na paglabas ng mga materyales mula sa mga lugar na may permit lamang para sa leveling.

Samantala, nilinaw ni Vice Mayor Wally Dapla na ang layunin ng consultative meeting ay hindi upang parusahan ang sinuman kundi upang makahanap ng solusyon sa dumaraming reklamo mula sa komunidad.

“Hindi po kami laban sa development. Ngunit kailangan may balanse—hindi pwedeng isantabi ang kalikasan at kaligtasan ng tao,” aniya.

Isa sa mga pangunahing isyung tinalakay ay ang pagkakaiba ng quarrying at clearing o leveling, kung saan lumitaw ang pangamba na may ilang operasyon na maaaring gumagamit ng leveling permits ngunit aktuwal na nagsasagawa na ng quarrying.

Ipinaliwanag ng kinatawan mula sa Environmental Management Bureau (EMB) na walang ibinibigay na Certificate of Non-Coverage (CNC) para sa quarrying, at kinakailangan ang mas mahigpit na permit tulad ng ECC para sa ganitong uri ng operasyon. Dagdag pa, ang monitoring ng ECC compliance ay responsibilidad ng kanilang tanggapan.

Samantala, ayon sa Provincial Mining Regulatory Board (PMRB), ang local government unit (LGU) ang may hurisdiksyon sa pagbibigay ng leveling permits, habang ang kanilang tanggapan ay nagbibigay lamang ng permit para sa transportasyon ng sobrang materyales mula sa leveling.

Nagpahayag din ng pananaw si Barangay Captain Lolito Merle ng Ibabang Palsabangon, na nagsabing mahalaga rin ang kaunlaran para sa kanilang lugar. Aniya, ang ilang leveling at quarrying activities ay nagbubukas ng oportunidad para sa pamumuhunan, trabaho, at dagdag kita ng barangay.

Gayunman, iginiit ni Coun. Dapla na kailangang timbangin ang kaunlaran at kaligtasan, lalo na sa mga lugar na malapit sa komunidad, paaralan, at imprastruktura. Binanggit din niya ang posibilidad ng sakuna tulad ng landslide kung hindi mapangangalagaan ang kapaligiran.

Iginiit naman ni Jay Lim ng Tanggol Kalikasan na mahalagang suriin kung tunay na nakapagbibigay ng kaunlaran sa komunidad ang mga quarrying activities.

“Kung sinasabing may naitutulong ito sa kaunlaran, kailangan nating tingnan kung magkano ang kinita sa mga nakaraang taon at kung paano ito napakinabangan ng mamamayan,” ani Lim.

Binigyang-linaw rin ni Lim na hindi dapat pulitikal ang pagtingin sa isyu, kundi isang objective na pagsusuri para sa kapakanan ng nakararami.

Aniya, higit sa lahat, dapat isaalang-alang ang kaligtasan, kalusugan, at pangmatagalang kapakanan ng mamamayan, pati na rin ang pangangalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon.

Tinalakay rin sa pulong ang isyu ng land reclassification, kung saan ayon kay Vice Mayor Dapla, may ilang proyekto kabilang ang solar developments na umano’y nagsimula na ng operasyon kahit hindi pa kumpleto ang proseso ng reclassification at iba pang kinakailangang permit.

“Dapat mauna ang reclassification bago ang anumang development. Hindi natin maaaring payagan ang shortcut dahil magdudulot ito ng mas malaking problema sa hinaharap,” diin ng bise alkalde.

Sa kabuuan, nagkaisa ang mga dumalo sa pangangailangang paigtingin ang koordinasyon ng mga ahensya, higpitan ang monitoring, at tiyakin ang pagsunod sa tamang proseso upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan.

 

Nanawagan din ang Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Dapla sa mga mamumuhunan na sundin ang tamang proseso at makipagtulungan sa pamahalaan upang maisulong ang responsableng pag-unlad sa Pagbilao.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved