Nagsagawa ng courtesy meeting ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Lucena Branch sa Pamahalaang Panlungsod ng Lucena upang talakayin ang planong pagpapatupad ng Paleng-QR Ph Program sa lungsod.
Pinangunahan ni BSP Area Director Alvin Bermido, kasama sina Danica Mae Llorin, Jeson Macapal, at Shanise Villanueva, ang paghatid ng balita tungkol sa programang layong isulong ang paggamit ng digital o cashless transactions sa mga pamilihan at iba pang lokal na negosyo sa Lucena.
Malugod naman itong tinanggap ng ni Mayor Mark Alcala na matagal nang sumusuporta sa pagpapaunlad ng digital ecosystem at innovation sa lungsod.
Ang Paleng-QR Ph Program ay inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of the Interior and Local Government na naglalayong palawakin ang paggamit ng QR code–based payments sa mga pampublikong palengke, maliliit na negosyo, at lokal na transportasyon upang gawing mas mabilis, ligtas, at maginhawa ang mga transaksyon.
Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mapapalawak ang financial inclusion, mapapadali ang mga pagbabayad gamit ang mobile apps o e-wallets, at mas magiging episyente ang mga serbisyo sa mga pamilihan sa lungsod.
Itinuturing din itong isang mahalagang hakbang tungo sa digital transformation at financial technology integration sa Lucena, na makatutulong sa pagbuo ng mas moderno at inklusibong ekonomiya para sa mga Lucenahin.
Photos courtesy of the Public Information Office – City of Lucena
