PD Albacea, nilinaw ang umano’y iregularidad sa isinagawang operasyon sa Lucena

Nilinaw ni Police Director Albacea ang umano’y iregularidad sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa isang bahay sa Barangay Cotta, Lucena City noong Marso 30.

Sa ulat, apat na police operatives ang kasalukuyang nasa restrictive custody sa Quezon Police Provincial Office (QPPO) matapos silang ireklamo kaugnay ng naturang operasyon.

Ayon kay Provincial Director PCOL Romulo Albacea, inilagay sa restrictive custody at agad na ni-relieve sa kanilang puwesto ang mga pulis upang matiyak ang patas na imbestigasyon na kasalukuyang isinasagawa ng Provincial Investigation Unit.

Ipinaliwanag ni Albacea na aminado ang mga pulis na nagkaroon ng pagkukulang o lapses sa kanilang operasyon, partikular sa hindi pagberipika sa issuing court kung aktibo pa at valid ang warrant of arrest na kanilang iseserbisyo.

“Holiday po noon kaya dapat sana ay naverify muna nila sa issuing court kung valid pa ang warrant. Lumabas po na hindi naman nila nakita ang subject sa lugar at hindi rin nila agad nalaman na tapos na pala ang kaso,” ani Albacea.

Dagdag pa ng opisyal, kung nakita sana ng mga pulis ang taong kanilang hinahanap ay maaari nitong maipakita ang certificate of discharge na nagpapatunay na na-dismiss na ang kaso.

Sa kabila nito, iginiit ni Albacea na walang naganap na pag-aabuso, ngunit nagkaroon lamang ng kakulangan sa pagsunod sa tamang operational procedures.

Humingi na rin ng paumanhin ang mga pulis sa pamilya ng mga nagreklamo matapos silang pagharapin sa tanggapan ng QPPO sa pamamagitan ng programang Raffy Tulfo in Action na pinangungunahan ni Senador Raffy Tulfo.

Matatandaan na humingi ng tulong sa programa sina Roberto at Victor Zamora, kasama ang kanilang kaanak na si Joana Sales, matapos umanong pasukin ng limang pulis-Lucena ang kanilang bahay habang naka-sibilyan, naka-shorts, walang ipinakitang ID at may dalang armas.

Ayon sa pamilya, nag-inspeksyon umano ang mga pulis sa loob ng kanilang bahay at nagpakita lamang ng kopya ng warrant sa cellphone na nakatuon sa pangalan ng hinahanap na si “Lolo Roberto,” na matagal na umanong na-dismiss ang kaso at may Certificate of Discharge noong October 13, 2025.

Nagawa ring makunan ni Joana ng video ang insidente gamit ang kanyang cellphone.

Dahil dito, nagalit si Sen. Tulfo sa umano’y hindi pagsunod sa police protocol, kabilang ang hindi pagsusuot ng uniporme at kawalan ng body-worn camera sa operasyon.

Agad namang tinawagan ng senador sina PCOL Albacea at PLTCOL Ruben Ballera, Chief ng Intelligence Unit ng Quezon Police, upang ipaalam ang reklamo.

Sa ulat ni Albacea, na-disarmahan na ang mga pulis at naisyuhan ng relieved orders, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi rin ni Albacea na kung mapapatunayang lumabag ang mga sangkot na pulis sa operational procedures ng PNP, haharap ang mga ito sa administratibong kaso.

“Ang Quezon PPO ay hindi tino-tolerate ang ganitong gawain. Kung mapapatunayang may paglabag, makakasiguro ang publiko na sila ay mananagot,” ani Albacea.

Samantala, hindi napigilan ni Lolo Roberto na mapaiyak sa takot at trauma dulot ng insidente, dahil sa pangambang baka balikan pa sila ng mga pulis.

Bilang tugon, tiniyak ni Albacea na poprotektahan ang pamilya at personal pa niyang bibisitahin ang mga complainant habang maglalagay ng police monitoring para sa kanilang seguridad.

Nagpasalamat naman sina Roberto at Victor Zamora kay Sen. Tulfo at sa Quezon PPO sa mabilis na aksyon sa kanilang reklamo.

 Screenshot from the Press Conference of the Provincial Director of Quezon PPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved