Sinimulan kahapon, Abril 15 ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang implementasyon ng KALSADAMAYAN Program na naglalayong maghatid ng murang bilihin para sa transport at vulnerable sectors.

Kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo ng programa ang mga jeepney drivers at operators, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents na lubhang naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng mataas na halaga ng produktong petrolyo.

Sa ilalim ng programa, mabibili ng mga benepisyaryo ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng manok, itlog, gulay, prutas at bigas sa mas mababang presyo kumpara sa karaniwang pamilihan.

Inilunsad ang pilot implementation sa Barangay Gulang-Gulang kung saan umabot sa 2,000 residente at nasa 1,000 miyembro ng jeepney operators and drivers associations (JODA) ang nakinabang sa unang araw ng programa.

Pinangunahan ni Mayor Mark Alcala ang paglulunsad ng KALSADAMAYAN kasama sina City Agriculturist Jai Merano at Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Officer Janet Gendrano, ang mga tanggapang nangangasiwa ng programa.

Ayon sa lokal na pamahalaan, iikot ang KALSADAMAYAN Program sa iba’t ibang barangay at JODA sa buong lungsod upang mas maraming mamamayan ang matulungan sa gitna ng umiiral na hamon sa ekonomiya.

Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng pamahalaang lungsod upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at masuportahan ang mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong.

 

Photos courtesy of  Mr. Ronald  Lim

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved