Umabot sa 801 sari-sari store owners mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Quezon ang nakatanggap ng dagdag na tulong pangkabuhayan sa isinagawang STAN Kabuhayan Livelihood Assistance Program Batch 8 Launching Ceremony and Negosyo Kits Distribution nitong Abril 20, 2026 sa Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena.

Layunin ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na mapalago ang maliliit na negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng negosyo packages, QR code, store signage, access to finance, at mga pagsasanay hinggil sa entrepreneurial mind-setting, business continuity, digitalization, at financial literacy.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, isinagawa ang naturang aktibidad bilang bahagi ng patuloy na suporta sa mga sari-sari store owners sa lalawigan.

Pinangunahan ang programa nina Governor Doktora Helen Tan at Vice Governor Third Alcala Tan, kasama si Project Development Officer III Lawrence Joseph Velasco. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa SMART, GCash, Landbank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas, na nagbigay ng karagdagang kaalaman at suporta sa mga benepisyaryo.

Nagkaroon din ng pa-raffle mula sa SMART, kung saan 20 benepisyaryo ang nakatanggap ng retailer SIM, habang tatlo naman ang napili sa Hakot Papremyo.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga programang pangkabuhayan sa ilalim ng STAN upang higit pang mapaangat ang antas ng pamumuhay at pagnenegosyo ng mga Quezonian.

Source: Balitang Stan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved