Ilulunsad sa bayan ng Mulanay ang kauna-unahang Community ASF Biosecurity Intervention o CABI Project sa buong CALABARZON at South Luzon, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa African Swine Fever o ASF.
Ang proyekto ay pinangangasiwaan ng Food and Agriculture Organization o FAO, katuwang ang Bureau of Animal Industry at Department of Agriculture, at nauna nang naisagawa sa North Cotabato, Ilocos Norte, at Bais City. Ayon sa FAO, unang sinimulan ang CABI sa Pilipinas noong 2022 upang palakasin ang community-based biosecurity laban sa ASF sa hanay ng mga smallholder hog raisers.
Sa Quezon, isasakatuparan ang proyekto sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian, sa pangunguna ni Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Mulanay sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist.
Bilang panimula, nagsagawa ng CABI Implementers Training para sa mga Barangay Biosecurity Officers ng Mulanay, kasama ang mga kinatawan mula sa OMA Mulanay at OPV-Quezon, noong Abril 14 hanggang 17, 2026 sa bayan ng Catanauan.
Pinangunahan ang pagsasanay ng DA-Bureau of Animal Industry, sa pamamagitan ng Animal Health and Welfare Division – National ASF Prevention and Control Program, katuwang ang FAO.
Layunin ng training na ihanda ang mga implementers para sa epektibong pagpapatupad ng programa upang maprotektahan ang mga maliliit na magbababoy laban sa banta ng ASF. Ayon sa FAO, ang mahigpit na biosecurity ang nananatiling pinakaepektibong depensa laban sa pagkalat ng sakit.
Kabilang sa tinalakay sa pagsasanay ang kasalukuyang sitwasyon ng ASF sa bansa, kabuuang balangkas ng CABI program, at mga naging karanasan sa mga naunang lugar na pinagpatupadan nito.
Nagsagawa rin ng mga praktikal na pagsasanay gaya ng tamang pagbibigay-kaalaman sa mga magsasaka, pagpapatupad ng biosecurity measures, at timeline planning para sa maayos na implementasyon ng proyekto.
Inaasahang ipatutupad ang proyekto mula Hunyo 2026 hanggang Enero 2027.
Ayon sa mga opisyal, malaking hakbang ito upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magbababoy sa Mulanay at mapanatili ang katatagan ng industriya ng pagbababuyan sa lalawigan ng Quezon.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
