Agarang nagsagawa ng pest surveillance ang Coconut Development Division ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA)–Quezon noong Abril 16, 2026 kasunod ng ulat ng pagdami ng peste sa mga niyugan sa Barangay Ibabang Nangka, Lungsod ng Tayabas.
Sa isinagawang pagsusuri, natukoy ang infestation ng Coconut Rhinoceros Beetle o “uang” at Asiatic Palm Weevil, dalawang mapaminsalang insektong kilalang sumisira sa mga puno ng niyog. Ayon sa paunang tala, aabot sa humigit-kumulang 100 puno ng niyog ang naapektuhan ng naturang infestation.
Kabilang sa mga nakitang palatandaan ng pinsala ang pagbagsak ng mga palapa at bunga, gayundin ang pagkakaroon ng mga lungga o butas sa katawan ng puno, na indikasyon ng pagpasok at pamumugad ng mga peste.
Ang coconut rhinoceros beetle o “uang” ay kilalang bumubutas sa murang bahagi ng puno at nagdudulot ng malubhang pinsala na maaaring magpababa ng ani at maging sanhi ng pagkamatay ng puno kapag hindi agad naagapan.
Bilang tugon, agad na namahagi ng pestisidyo ang mga kinauukulang tanggapan upang mapigilan ang pagkalat ng infestation. Kasabay nito, mahigpit ding pinayuhan ang mga magniniyog na paigtingin ang regular na pagmamatyag sa kanilang mga taniman at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang senyales ng panibagong pag-atake ng peste.
Ayon sa OPA-Quezon, mahalaga ang maagap na aksyon at pakikipagtulungan ng mga magsasaka upang maprotektahan ang isa sa pangunahing kabuhayan sa lalawigan. Umaasa ang mga awtoridad na sa pamamagitan ng mabilis na interbensyon at patuloy na monitoring, mapipigilan ang posibleng paglala ng infestation sa iba pang mga niyugan sa Quezon.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
